Hong Kong, sisikaping palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya at kalakalan sa Thailand

Hong Kong, sisikaping palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya at kalakalan sa Thailand

INIHAYAG ng pinuno ng Hong Kong noong Martes na sisikapin nitong palalakasin ang ugnayang pang-ekonomiya at kalakalan sa Thailand matapos ang pakikipagpulong sa punong ministro ng bansa.

Ayon kay Chief Executive John Lee, parehong sinang-ayunan ng dalawang panig ang pagkakaroon ng matibay at malapit na relasyon at isulong ang pagpapalitan ng kanilang mga tao habang naghahanap ang Chinese financial hub ng higit pang mga business opportunity sa Southeast Asia.

Nais din ng administrasyon ni Lee na palawakin ang tungkulin ng lungsod sa Southeast Asia upang lalong mapalakas ang paglago ng ekonomiya para sa financial hub kung saan nilalayon ng lungsod na maging tulay sa pagitan ng Mainland China at ng international community.

Ayon kay Lee, sisikapin ng Hong Kong na palalimin ang kooperasyong pangrehiyon at palakasin ang gawain nito sa mga aktibidad sa ekonomiya, kalakalan at pamumuhunan sa mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations.

Pinasalamatan din ni Lee ang Thailand sa pagsuporta nito sa Hong Kong na sumali sa Regional Comprehensive Economic Partnership, isang pangunahing kasunduan sa kalakalan ng 15 bansa kung saan binabawasan nito ang mga taripa sa libu-libong mga produkto, pag-streamline sa mga pamamaraan sa kalakalan at nagbibigay na kapwa bentahe para sa mga miyembrong bansa.

Umaasa ngayon ang mga miyembro ng trade bloc na ang inisyatibang ito na sumasaklaw sa isang pandaigdigang kalakalan at aktibidad ng negosyo ay makakatulong sa pag-angat ng ekonomiya ng kanilang mga bansa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter