NAKUMPISKA ng Police Regional Office 5 sa isang search operation ang iba’t-ibang klaseng baril, bala, maging pampasabog mula isang sibilyan sa Barangay San Ramon, Claveria, Masbate.
Kinilala ang suspek na si Renato Ocbian at kilalang armed and dangerous personality ng kanyang barangay.
Ginawa ang operasyon sa bisa ng Search Warrant Number 2021-47 na inisyu ni Hon Ave A. Zurbito-Alba, vice-executive Judge ng RTC Branch 28, 5th Judicial Region, Masbate, Masbate City makaraang makumpirma ang isang intelligence report.
Matapos ma-validate ang impormasyon ay agad na sinugod nitong linggo ang bahay ni Ocbian.
Kasama sa mga nakuha ang isang caliber 45 pistol, hand grenade, isang 357 Smith & Wesson na revolver, 9mm revolver na Black Widow, 38 revolver, Cal. 22 homemade 12 gauge shotgun mga magazine, at mga bala.
Ang search operation ay pinangunahan ni PCol. Joriz A. Cantoria, provincial director ng Masbate kasama ang provincial intelligence unit ng Masbate.
Nasa Claveria Municipal Police Station ng Masbate nakakulong ang suspek na si Ocbian kasama ang mga ebidensya para sa pormal na documentation.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9516 o Illegal Possession of Explosives at RA 10592 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulations Act.