HINDI patas ang ginagawang pamamaraan ng International Criminal Court (ICC) sa pagiging hukom nito. Kung kaya’t tinawag ito ni geopolitical analyst Herman Tiu-Laurel na double standard.
“Alam po ninyo ang ICC ay kilalang-kilala sa double standard po nito. Isang standard sa puti at isa sa mga kayumanggi, mga itim, mga Africano, mga Global South, mga Asyano. Anong standard po ‘yun? Kapag puti, iwas pusoy. Huli, Netanyahu, Putin—hindi nila magawan ng kahit anong paraan kahit inindict na ng ICC. Pero katakot-takot ang bilang ng mga itim galing sa Africa, 30 ata na inindict po ‘yan o mahigit pa po ano. And of course, si Presidente Duterte na kayumanggi,” wika ni Herman Tiu-Laurel, Geopolitical Analyst.
Ito ang naging pahayag ni Laurel kaugnay sa ginagawa ng International Criminal Court (ICC) bilang hukuman.
Mas pinapaboran pa aniya ng ICC ang mga puting lahi kaysa mga kayumanggi o mga Asyano, lalung-lalo na ang mga Africano.
At patunay aniya rito, ang ginawa nila kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kahit walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas, itinuloy pa rin ang pag-aresto sa dating pangulo.
Bukod sa pagiging double standard, sinabi ni Laurel na kontrolado umano ang ICC ng pera ng Europa.
“Kaya ang ICC natatawag na Caucasian International Court o Cauc-Asian, meaning puti, o kung minsan ay International Colonial Court kasi mga Europeanong kolonyalista ang may kontrol po niyan. At marami po akong napag-aralan, research ko po na talagang kontrolado ng pera ng European Union. ‘Yung pinagmamalaki ni Remulla na 120 countries daw na kasama diyan sa ICC o International Colonial Court, ang totoo halos 50 ng mga bansa po diyan sa ICC ay mga Europeo eh, mga kolonyalista nga. Eh ang kalahating 50 ay mga Africano at maliliit na bansa na maraming nakatali na tanikala sa Europa—na pera, ekonomiya, trading, and so on—kaya po sila ay parang vassal state,” paliwanag ni Laurel.
FPRRD, tiyak na tatanggapin ng China sakaling humiling ito ng asylum—geopolitical analyst
Samantala, nang tanungin naman si Laurel sakaling hihingi ng asylum si Duterte sa bansang China, ay walang atubili aniya itong tatanggapin dahilan sa injustice na naranasan ng dating Pangulo.
“Kwalipikadong kwalipikado po kasi po talagang napakalinaw po ang persecution na ginagawa kay Duterte. Maliwanag na maliwanag ang kawalan ng due process at suppression, repression ng kanyang rights. So, I think immediately po aakapin po ng China at mabibigyan ng pagkakanlung si Presidente Duterte doon at para maprotektahan po,” aniya pa.
Pero nauna nang itinanggi ng bansang China na humingi umano si dating Pangulong Duterte ng asylum, taliwas sa mga kumakalat na balita.