ILANG araw nang nagsasagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) sa EDSA busway.
Marami-rami pa rin kasing mga pasaway na motorista ang patuloy na dumadaan dito kahit pa nga itinaas na ang multa para sa mga violator.
At ang karaniwang rason nila tuwing nahuhuli ay dahil nagmamadali silang makarating sa kani-kanilang mga trabaho. ‘Yung iba naman, humihirit na baguhan lang daw sila sa Metro Manila kaya’t ‘di nila alam ang umiiral na batas trapiko dito.
Ngayong araw ng Lunes, ang isang maintenance worker ay ang numero unong natiketan ng SAICT sa bahagi ng Santolan station ng EDSA buslane.
Hirit ng nahuling motorista, alam niyang bawal pero dahil sa pagmamadali ay naisipan niyang dumaan sa EDSA busway.
Pero ‘yun lang at hindi naman umano niya kayang bayaran ang multa na ipinataw kaya’t susubukan niyang umapela.
“Wala po bang like first offense? Madadala ka na? Wala po bang konsiderasyon? Paano ‘yun sir wala daw pong konsiderasyon? Kahit first offense lang?” ayon sa natiketang drayber.
Hindi rin nakaligtas ang delivery rider na ito sa operasyon ng SAICT.
“Bakit po kayo dumaan dito? Nagmamadali na kasi ako kasi mala-late na ako,” ayon pa sa natiketang drayber.
“Magmamakaawa sana ako maam, kasi walang pera eh,” aniya.
Pero, bukod sa kanila ay kabilang din sa mga natiketan ay ang dalawang pulis na ito na dumaan sa EDSA busway.
Batay sa EDSA busway policy, hindi awtorisadong dumaan sa naturang kalsada ang mga pulis lalo’t kung ito ay nakasakay sa pribadong motor o sasakyan.
“Nagmamadali lang po? Hindi naman po, maano kasi ako doon,” wika ng natiketang pulis.
Bukod diyan, may isa pang pulis ang sunod namang nahuli.
Sinubukan namin siyang kunan ng pahayag pero tumanggi na siya.
Sinabi naman ng team leader ng SAICT, malaki ang nakikita nilang pagbabago ngayon lalo’t kakaunti na lang ang nahuhuli kumpara noon na umaabot sa daan-daang motorista kada araw.
“The unauthorized vehicles are already aware that they are not allowed to pass the busway and that would be a good development,” saad ni Galang Dumallay, Team leader, SAICT.
Sa ilang oras na nahulihan sa EDSA busway ay umabot lamang sa 7 motorista ang nahuli at natiketan ng SAICT.
Nasa P5,000 ang pinakamababang multa para sa first offense habang P30,000 naman ang pinakamalaki o 4th offense at posibleng rebokasyon ng driver’s license.