Ilang tsuper, hiniling ang mabilisang pamamahagi ng fuel subsidy

Ilang tsuper, hiniling ang mabilisang pamamahagi ng fuel subsidy

UMALMA na ang ilang tsuper dahil wala pa silang natatanggap na ayuda mula sa pamahalaan kahit nagpatuloy na ang pamamahagi ng fuel subsidy nitong nakaraang Biyernes.

Pagtitiyak naman ng Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB), ginagawa nila ang lahat upang mabilis na maipamahagi ang ayuda para sa sa mga tsuper.

Binibilisan na ng LTFRB ang pagpoproseso sa pamamahagi ng fuel subsidy na target matapos sa ikalawang linggo ng Mayo.

Iisa lamang ang hiling ng mga driver ng pampublikong sasakyan sa harap ng nagbabadyang panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ito ay ang matanggap na nila ang fuel subsidy mula sa gobyerno na kahit papaano raw ay madagdagan ang kanilang kita.

Wala pa ring ayuda na natatanggap ang ilang PUV drivers kahit nagpatuloy na ang pamamahagi nito nakaraang Biyernes.

Ito ay matapos matanggap ng LTFRB ang COMELEC resolution na nag-i-exempt sa fuel subsidy mula sa election spending ban.

Pagtitiyak ng LTFRB na binibilisan na nila ang pagpoproseso ng pamamahagi ng ayuda matapos itong maantala.

Ayon kay LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, target nilang mafully-disbursed ang subsidy sa ikalawang linggo ng Mayo upang masimulan na ang ikalawang bugso ng ayuda.

Sa higit 264,000 na benepisyaryo ng programa ani Cassion, nasa higit kumulang 170,000 na ang naayudahan.

Pinoproseso rin ng Landbank ang ayuda para sa higit 27,000 na delivery drivers na ipamamahagi sa pamamagitan ng e-wallet.

Sa ngayon, hinihintay ng LTFRB ang listahan galing sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ng mga kuwalipikadong tricycle driver.

Samantala ang grupong Pasang Masda hihilingin naman sa Department of Transportation ang ikatlong bugso ng fuel subsidy.

“Ang Pasang Masda po ay nagrerequest ulit ng third tranche at hopefully ito ay maaprubahan ng ating kalihim. Sapagkat ginagawa namin ito dahil nga dito sa mga pagtaas ng mga fuel prices. Kagaya ng nabanggit ko, two days ago ay nagtaas na naman ng P4.30. At napakabigat na sa amin niyan. Siguro kami naman ay mapagbibigyan pa doon sa third tranche para makatulong po sa ating mga katsuperan,” ayon sa Pasang Masda.

Follow SMNI News on Twitter