Imee: Alisin ang middlemen sa bigas at buhayin ang NFA-FTI-Kadiwa system

Imee: Alisin ang middlemen sa bigas at buhayin ang NFA-FTI-Kadiwa system

MAY “mas mahusay na garantiya” para bumaba ang presyo ng bigas imbes na payagan ang National Food Authority (NFA) na direktang dalhin ang bigas sa mga palengke, ayon kay Sen. Imee Marcos.

Lumitaw ang panukalang palawakin ang mandato ng NFA sa panimulang pagbusisi ng Mababang Kapulungan sa Rice Tarrification Law (RTL).

“Alisin ang mga middlemen at buhayin ang matagal nang pinabayaan na NFA-FTI-KADIWA system,” iginiit ni Marcos, na nagbanggit sa national food security program noong dekada ’70 patungkol sa direktang pagbili ng NFA sa lokal na agrikultural na produkto, sentralisadong koleksyon at distribusyon ng mga ito sa pamamagitan ng Food Terminal Inc., at ang pagbebenta nito nang may diskuwento sa KADIWA retail stores.

“Hindi na kailangang maglaro ng taguan ang mga price monitor ng gobyerno sa mga nagtitinda sa palengke, ‘yan ang mas mahusay na garantiya para sa pinakamababang presyo ng bigas,” paliwanag ng senadora.

Ang mga sakahan ng bigas na tinamaan ng tagtuyot dahil sa El Niño ay pinangangambahang magkakaroon ng mas mababang ani, mas konting NFA rice buffer stock, at mas mataas na presyo sa tingi-tinging bentahan ng bigas na napakahalaga sa hapag-kainan ng mga Pilipino.

Habang isinusulong ng Mababang Kapulungan na amyendahan ang RTL, kinilala ni Marcos ang batas sa pagpapababa ng presyo ng bigas sa unang taon ng implementasyon nito.

“Ngunit ito ay labis na binalahura ng malawakang importasyon ng bigas na sanhi ng pagbaba ng farmgate price ng palay habang tumaas ang gastos sa pagtatanim,” ani Marcos.

“Maraming magsasakang napilitang iwanan ang kanilang kabuhayan. Maaari tayong magdagdag ng ilang mga magpapalakas sa batas nang hindi ito lubusang binabago, upang mas makakatugon ito sa kasalukuyang sitwasyon,” pahayag niya.

Ipinapanawagan ng senador na suportahan ang kanyang mga amyenda sa Republic Act 8178, o ang Agricultural Tariffication Act, na kanyang ipinanukala sa Senate Bill 642.

Ang panukalang batas ay nagbibigay-diin sa tulong pinansiyal sa mga magsasakang nawalan ng hanapbuhay dahil sa wholesale importation.

Kapag ang labis na supply ng imported o lokal na bigas ay nagdudulot ng pagbagsak sa presyo, ang panukala ay nagbibigay din ng kapangyarihan sa Pangulo na itigil ang importasyon hanggang sa maging matatag ang supply at presyo.

“Hindi natin dapat kalimutan ang kapakanan ng mga magsasaka kapag ang mga mamimili ay humihirit ng mas mababang presyo,” diin pa ni Marcos.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble