PINANGUNAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngayong araw ang pagbubukas ng Intramuros-Binondo Bridge Project sa lungsod ng Maynila.
Layunin ng proyekto na mapabuti ang kondisyon ng trapiko sa Metro Manila na isa rin sa maiiwang legasiya ng Duterte Administration.
Higit 30,000 sasakyan ang inaasahang makakabenepisyo sa Intramuros-Binondo Bridge Project sa ilalim ng Build, Build, Build program.
Hindi naging hadlang ang ulan upang hindi pasinayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong proyekto na Intramuros-Binondo Bridge sa lungsod ng Maynila ngayong araw ng Abril 5.
Kasama ng Pangulo sa pagbubukas ng tulay ay si Department of Public Works and Highways (DPWH) Acting Secretary Roger Mercado, mga kinatawan ng Manila local government units, Chinese government at ilan pang opisyal ng pamahalaan.
Pagbibigay diin naman ni Mercado, isa ito sa legasiya na maipapamana ng kasalukuyang administrasyon para sa sambayanang Pilipino.
Pinasalamatan naman ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso si Pangulong Duterte dahil sa pagkakataon na maging benepisyaryo ang Manila para pagtayuan ng proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program.
Lalo na ngayong dumarami ang mga sasakyang lumalabas dahil sa pagluluwag ng restrictions sa National Capital Region.
Ang naturang steel arch bridge na disenyo ay may kabuuang haba na 680 meters.
Mayroong apat na lane kung saan nasa 70 meters ang haba at 21 meters naman ang lapad nito.
Ang tulay ay nag-uugnay sa Intramuros sa Solana Street at Riverside Drive at Binondo sa Rentas Street, Plaza del Conde Street at Muelle dela Industria.
Nilagyan ng mga reflective thermoplastic na linya ang bike lane ng tulay at ang protected sidewalks bilang bahagi ng programa ng DPWH na magtayo ng ligtas na imprastraktura para sa mga non-motorized road users.
Ang Intramuros Bridge ay isa lamang sa big-ticket project ni Pangulong Duterte upang magkaroon ng magandang road of network at mas mataas na kapasidad ng transportasyon sa Metro Manila.
Ang iconic bridge project ay isa sa dalawang China-grant bridges na ipinatupad at natapos ng DPWH Unified Project Management Office.
Ang Binondo-Intramuros Bridge kasama ang Estrella Pantaleon Bridge na natapos noong 2021 ay dalawang flagship infrastructure projects na pinondohan ng grant mula sa China bilang suporta sa “Build, Build, Build” program ng administrasyong Duterte.
Ang mga tulay na ito ay bahagi ng Metro Manila Logistics Network Program upang mabawasan ang pagsisikip sa mga pangunahing highway sa Metropolis sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagong tulay sa mga Ilog Pasig at Marikina at sa Manggahan Floodway upang makamit ang tuluy-tuloy na paglalakbay at koneksyon ng mga Pilipino.
Inaasahan naman na marami pang proyekto ang itatayo sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte na mas lalo pang mapapakinabangan ng mga Pilipino bago ang pagbaba sa termino nito.