Isang babaeng nagpanggap na empleyado ng DSWD, arestado

Isang babaeng nagpanggap na empleyado ng DSWD, arestado

HULI sa ikinasang entrapment operations ng Caloocan police nitong Miyerkules ang isang babaeng nagpanggap na empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para makapanloko.

Ayon kay Caloocan Police OIC PCol. Ferdinand del Rosario, kinilala ang suspek na si Myra Table Mangitngit, 43 taong gulang mula Padas Alley, Barangay 12 ng lungsod.

Sa kuhang video, isang ginang ang nag-aabot ng bayad sa suspek, ito ay para makapasok sa Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).

Batay sa intelligence report, nagpapakilang product development manager ng DSWD ang suspek at modus nito ang manghingi ng pera sa mga biktima kapalit ang trabaho sa 4Ps.

Sinabi pa ni Del Rosario, marami-raming biktima ang dumulog sa DSWD upang ireklamo ang kalokohan ng suspek, kung kaya’t agad nagsagawa ng operasyon ang kapulisan.

Higit P3,000 ang hinihingi ng suspek sa mga naloloko nito, ito raw ay gagamitin para sa processing at membership fee upang makapagtrabaho sa 4Ps program.

Matatandaan, nitong nakaraang linggo lang din ng mahuli ang isang sa Central Office ng DSWD.

Ito ay dahil sa talamak na ginawang pamemeke ng dokumento upang makakuha ng medical assistance na nagkakahalaga ng P3,500 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation.

Kung saan, sampung beses itong pabalik balik sa ilang tanggapan ng ahensya gamit ang iba’t ibang pangalan.

Tiniyak ng DSWD na hindi sila titigil sa panghuhuli katuwang PNP upang mabigyan ng leksyon ang sinumang gumagawa ng kalokohan gamit ang pera ng bayan.

Follow SMNI News on Twitter