Isasagawang electrical maintenance sa ilang lugar sa NAIA, aabot ng mahigit 1 buwan

Isasagawang electrical maintenance sa ilang lugar sa NAIA, aabot ng mahigit 1 buwan

NAABUTAN ng SMNI News na nakaranas ng brownout ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal-1 pasado alas-11 ng umaga, araw ng Martes.

Pero wala pa ang limang minuto ay agad namang bumalik ang supply ng kuryente.

Pinansin din namin ang operasyon sa check-in counter ng mga pasaherong papaalis ng bansa, pero mabuti na lamang hindi pa ganoon karami ang tao.

Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), 1am-4am, araw ng Martes, isinagawa ang unang iskedyul ng electrical maintenance sa NAIA Terminal 1 and 2, International Cargo Terminal, MIAA Administration Bldg. at airfield.

Tiniyak din ng MIAA na sa isinagawang aktibidad ay walang maapektuhang flights.

Ang serye ng electrical maintenance activities ay tatagal mula Pebrero 6 hanggang Marso 7, 2024 bilang bahagi ng pag-upgrade ng electrical systems sa NAIA.

Bagama’t may kaunting abala na mararanasan sa lugar, tinitiyak ng MIAA sa riding public na ang mga critical system na ginagamit para sa pagproseso ng pasahero ay mananatiling operational.

Nauna nang nagkaroon ng pagpupulong ang MIAA sa mga stakeholder at mga service provider nito at, Meralco upang ipaalam sa kanila ang naka-schedule na power maintenance at matiyak na hindi maantala ang mga flight at galaw ng mga pasahero sa panahon ng aktibidad.

Ang huling maintenance activity ng MIAA ay isinagawa sa NAIA Terminal-3 noong Nobyembre 2023.

Samantala pinapayuhan ng MIAA ang mga manlalakbay na may mga katanungan na maaaring makipag-ugnayan sa kanilang MIAA official social media accounts gaya sa Facebook, Twitter, at Instagram.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble