Jake Cuenca, inaresto matapos banggain ang sasakyan ng pulis

Jake Cuenca, inaresto matapos banggain ang sasakyan ng pulis

NAHAHARAP ngayon sa kasong reckless imprudence ang aktor na si Jake Cuenca.

Ito’y matapos banggain ng aktor ang isang sasakyan ng pulis sa Mandaluyong City noong Sabado ng gabi.

Ayon kay Eastern Police District Brig. General Matthew Bacay, isang drug operation ang nangyari alas nuebe ng gabi nang biglang mabangga ang isang police car.

“Last night at about 9 pm, merong dumaan na sasakyan and unfortunately tinamaan ang sasakyan ng pulis natin. So nagulat ang mga personnel natin at hindi tumigil ang sasakyan, so hinabol ito ng mga pulis natin hanggang nakarating na sa area ng Pasig at saka dito sa Shaw,” pahayag ni Bacay.

Hinabol ng mga pulis ang bumanggang sasakyan nang hindi huminto ang driver nito.

“Yung mga personnel natin ay hinabol lang siya but in the course of yung chase nila, yung mga personnel natin is had to disable yung sasakyan at pinutukan ang gulong,” dagdag ni Bacay.

Nakarating sa Shaw Boulevard ang habulan kung saan na-corner ang driver ng aktor.

Sabi pa ni Bacay, kailangan nilang i-disable ang sasakyan ni Cuenca para hindi ito makatakas.

Ngunit natamaan naman ng ligaw na bala ang isang Grab driver.

“We are taking care of this. Very unfortunate ang incident siguro yung mga personnel natin ay medyo mataas pa yung adrenaline because on going yung operation natin,” ani Bacay.

Samantala, pinayagan naman ng mga pulis na makaalis ng istasyon si Jake para sumailalim sa medical checkup.

Nasa kustodiya na ngayon ng mga awtoridad ang SUV ng aktor.

Wala namang nakitang iligal sa loob ng sasakyan ni Jake Cuenca.

Dumating naman noong linggo ng gabi ang ama ni Jake sa Mandaluyong Police Station kung saan sinabi nitong nag-panic lang ang aktor kaya hindi ito huminto dahilan para magkaroon ng habulan.

Samantala, nasa maayos na kalagayan na ngayon ang Grab driver na agad namang nai-sugod sa ospital.

 

SMNI NEWS