Magpaparehistro para sa eleksyon 2022 sa Mandaluyong City, dumagsa

Magpaparehistro para sa eleksyon 2022 sa Mandaluyong City, dumagsa

DUMAGSA ang mga tao na magpaparehistro para sa eleksyon 2022 sa Mandaluyong City.

Maagang pinilahan ng mga nais magparehistro, ang satellite office ng Comelec sa mall ng Mandaluyong City, dalawang-araw bago ang deadline ng voter registration.

Mahaba ang pila sa mga nais magpaparehistro para sa eleksyon 2022 sa Forum Robinsons sa Mandaluyong City.

Alas dos pa lang ng madaling-araw ay tumungo na si Lodilina Baluyot kasama ang kanyang-anak na si Raymond sa Forum Robinsons sa Mandaluyong City bitbit ang kanilang voter registration requirements.

Pumila sila ng maaga upang makapasok agad at makapagrehistro dahil sa pangatlong balik na nila ito dahil palagi silang naabutan ng cut-off.

Para sa kanyang anak na si Raymond, okay lang na kahit lumiban muna siya sa kanyang trabaho.

Mahalaga aniya ang marehistro upang makaboto sa mga nais nilang iluklok sa puwesto sa susunod na administrasyon.

Limitado lamang sa anim na raan ang makakapagrehistro ngayon at papasukin sa loob ng mall.

Ngayon, sa sobrang haba ng ng pila ay umabot na ito hanggang basement.

May mga guwardiya na puspusan ang pagpapaalala sa mga magpaparehistro na sundin ang distancing protocols para makaiwas sa COVID-19.

May mga kapulisan na rin na tumulong sa pagpatutupad ng health protocols sa labas ng mall.

Sinabi ng pamunuan ng Robinsons Malls, bukas ang 37 nilang malls sa buong bansa para sa voter registration ng Comelec.

Sa kabuuan naman sinabi ng election officer ng Comelec Mandaluyong maayos naman yung pagpapatala para sa mga nais bumoto.

SMNI NEWS