KINONDENA ng Japan at Argentina noong Huwebes, Hulyo 7 ang Russia para sa patuloy na pagsalakay nito sa Ukraine, habang nangakong magtutulungan sa pagtugon sa pandaigdigang pagtaas ng presyo ng pagkain at enerhiya.
Sa kanilang pagpupulong sa Isla ng Bali sa Indonesia, ibinahagi ni Japanese Foreign Minister Yoshimasa Hayashi at ng kanyang katapat na si Santiago Andres Cafiero na ang pagsalakay ng Russia ay isang unilateral na pagbabago ng status quo sa pamamagitan ng puwersa at isang malinaw na paglabag sa international law.
Ang pag-uusap ay dumating matapos sabihin ni Argentine President Alberto Fernandez noong nakaraang buwan na nais niyang maging miyembro ng BRICS Forum ang kanyang bansa na binubuo ng Brazil, Russia, India, China at South Africa nang dumalo siya sa pulong nito online.
Matatandaan na bumoto ang Argentina para sa isang resolusyon ng U.N. General Assembly na kumokondena sa pagsalakay ng Russia laban sa Ukraine at sinang-ayunan naman ng 141 na miyembro nito ngunit ang bansa sa South America ay hindi sumang-ayon sa Western Nations at Japan sa pagpapataw ng matinding parusa sa Moscow.
Samantala, nangako naman ang dalawang bansa na magtutulungan upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng pagkain at enerhiya dahil ang Argentina ay isa sa mga pangunahing producer ng butil sa buong mundo.