Japan, ilalagay sa priority list ang mga atleta na lalahok sa Tokyo Olympics

ILALAGAY ng Japan sa priority list ang mga atleta na lalahok sa Tokyo Olympics.

Ikinukunsidera ng gobyerno ng Japan ang paglalagay ng mga atleta na dadalo sa Tokyo Olympics sa listahan ng prayoridad sa pagbabakuna.

Ang nasabing mga atleta ay makakatanggap ng 2 shot sa katapusan ng Hunyo na sapat naman para makarekober ang mga ito sa anumang potensyal na side effect bago ang opening ceremony sa Hulyo 23.

Noong gitna ng buwan ng Pebrero, naglunsad ang Japan ng vaccination program nito na sinimulan sa healthcare workers pero naging mabagal ito dahil sa kakulangan ng suplay ng Pfizer.

Ang mga indibidwal na nasa edad 60 pataas naman ay sinimulang bakunahan noong Abril 12 na nangangahulugan na kung bibigyang prayoridad ang mga atleta, mauuna pa itong makatanggap ng shot bago matapos ang pagbabakuna sa nakatatanda.

Samantala, nilinaw naman ng Japan at ng International Olympic Committee na ang pagbabakuna ay hindi gagawing requirement para makalahok sa Tokyo games.

Pero sa kabila nito, inihayag ng Estados Unidos na sisimulan na nitong bakunahan ang mga atleta nito at ilang bansa sa Europa na rin at Middle East ang nagsimula na sa hakbang na ito.

Matatandaang nangako si Prime Minister Yoshihide Suga ng ligtas na Tokyo Olympics at Paralympics kung saan magpapatupad ang Japan ng pinakamahigpit na hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Samantala, ang mga atleta at staff naman ay susubok ng coronavirus o COVID-19 test ng maraming beses sa panahon ng laro.

(BASAHIN: UV machine sa Japan, nakatutulong sa pag-sterilize ng mga libro sa mga silid-aklatan)

SMNI NEWS