Jessica Soho, umatras na sa kontrobersyal na Nas Academy

Jessica Soho, umatras na sa kontrobersyal na Nas Academy

DAHIL sa kontrobersya ng Whang-Od Academy, tuluyan nang umatras sa kanyang sana’y pagtuturo sa Nas Academy ang brodkaster na si Jessica Soho.

Sa pahayag ni Jessica, nakipag-ugnayan ang kanyang team sa Nas Academy at napagkasunduan ng dalawang panig na hindi na itutuloy ang Jessica Soho course.

Ang Nas Academy ay isang Online Education Platform na itinayo ng Palestinian-Israel Content Creator na si Nuseir Yassin na kilala bilang si Nas Daily.

Bukod kay Jessica, itinigil rin ni Miss Universe 2018 Catriona Gray ang pagtanggap ng aplikasyon para sa kanyang master class sa Nas Academy.

Nagsimula ang kontrobersya ng Nas Daily nang umalma ang apo ng 104-anyos na si Whang-Od, ang kilalang traditional tattoo artist ng tinglayan, Kalinga.

Ayon kay Grace Palicas, scam ang ginagawa ng Nas Academy dahil wala umanong kontratang pinirmahan si Whang-Od hinggil sa itinatag na ‘Whang-Od Academy’ at hindi rin ito alam ng buong Butbot Tribe ng Kalinga.

Sa ngayon, iniimbestigahan na ang ’National Commission on Indigenous People (NICP) ang isyung kinasasangkutan ng Nas Academy at ni Whang-Od.

SMNI NEWS