JMCFI, nagtala ng 77.42% pass rate sa Criminologist Licensure Exam

JMCFI, nagtala ng 77.42% pass rate sa Criminologist Licensure Exam

MAYORYA ng mga examinee mula sa Jose Maria College Foundation, Inc. ang pumasa sa nakaraang Criminologist Licensure Examination.

Katunayan, umabot sa 77.42% ang pass rate nito, kung saan 24 na mga mag-aaral mula sa College of Criminal Justice Education ang matagumpay na natapos ang pagsusulit.

JMCFI student, Top 7 sa Criminologist Licensure Exam mula sa JMCFI

Bukod dito, pasok din si Jared A. Maglasang, RCrim. sa Top 7 ranking, sa overall passers–ang JMCFI lang din ang natatanging paaralan mula sa Davao City na pumasok sa Top 10.

Bilang pagkilala sa tagumpay na ito, isang Recognition and Testimonial Dinner ang handog ng JMCFI para sa mga ito nitong Marso 11, 2024.

Pinangunahan ito nina School President Dr. Felix C. Chavez, Jr. at School Administrator Ms. Rosemarie N. Dimagnaong.

Samantala, ibinahagi naman ni Jared na hindi niya sukat akalain na makakapasok ito sa Top 10.

‘‘Noong nabalitaan ko po na nasa Top 7 ako, grabe ang pagka shock ko, nabigla ako kasi hindi naman ako matalino, kaya nabigla ako bakit ako nasa Top 7. Tapos nag-iisa lang ako dito sa Davao City. So, napaka unexpected po talaga ng pangyayari,’’ pahayag ni Jared A. Maglasang, JMCFI student.

Ibinahagi rin ni Jared ang kaniyang motibasyon sa kaniyang pagsisikap.

At ang tulong na ibinahagi ni JMCFI Founding President, Pastor Apollo C. Quiboloy na mapabilang sa kaniyang Gift of Education Scholarship Program.

‘‘Napakahirap po namin. Diyan ako naghahanap ng inspirasyon, motivation na kailangan kong magsumikap dahil malaki ang sakripisyong ginagawa ng mama at papa ko. Naghanap sila ng paraan upang makapagtapos ako.’’

‘‘Yes, malaki ang tulong ng GOE since first year pa lang ako. Noong nabalitaan ko na may Gift Of Education program ang JMCFI, kinuha ko na ang oportunidad na maka-avail ng GOE scholarship, at malaki ang tulong nito. Wala na akong babayaran, libre na ang tuition fee ko. Malaki ang impact na hanggang nakatapos ako. Ito talaga ang dala-dala ko, ang GOE hanggang nakapagtapos ako,’’ pagbabahagi ni Maglasang.

JMCFI student Top 7 sa Criminologist Licensure Exam mula sa JMCFI

At dahil si Jared ang kauna-unahang top notcher ng JMCFI, nakatanggap ito ng cash incentive na 200,000 pesos, bagay na hindi nila inaasahan ng pamilya nila.

Nagpasalamat din si Jared kay Pastor Apollo C. Quiboloy.

‘‘Pastor, malaki ang pasasalamat ko sa iyo Pastor Apollo dahil kung hindi dahil sayo, hindi ako makakapagtapos ng pag-aaral. Malaking bagay ang binigay mo sa GOE, malaki rin ang naging impact nito, contribution nito para maging matagumpay kami, na maging RCrim. Naabot ko lahat ng ito, hindi ko makakamtan ito kung hindi ‘rin dahil sa iyo Pastor,’’ pagpapasalamat ni Magsalang sa butihing Pastor. 

Hindi na rin pinalagpas ng mga magulang ni Jared ang pagkakataong makapagpasalamat sa JMCFI at sa Founding President nito na si Pastor Apollo sa malaking tulong na ibinigay nito sa kanila.

‘‘Siyempre masayang-masaya kami. Hindi namin inaasahan na makukuha niya ito, na maging Top 7 siya. Hindi namin maipaliwanag ang kasiyahan namin. At nagpapasalamat ako kay Pastor Apollo Quiboloy sa kanyang regalo, incentive na P200,000 sa anak ko. Malaking tulong ito sa aming kahirapan,’’ ayon naman kay Mrs. Annaliza Maglasang.

‘‘Pastor, maraming-maraming salamat. Hindi namin akalain na ito ang mangyayari sa buhay namin, na maipapaayos na namin ang bahay kubo namin Pastor na palaging binabaha. Maraming salamat, maraming-maraming salamat talaga sa iyong mga dasal Pastor. Alam ko na parating nariyan ka, kasama namin Pastor. Maraming-maraming Salamat,’’ pasasalamat naman ni Mr. Nemesio Maglasang.

Ibinahagi rin ng dalawang Muslim students ang kanilang karanasan sa JMCFI. 

‘‘Noong first year ako, hindi ko in-expect na tumatanggap ang JMCFI ng mga Muslims. Pagdating ko dito, nabigla ako kasi may Musalla o prayer room dito. Kaya nakaka-prayer kami sa prayer times namin, nakaka Musalla kami. Ang JMCFI ay supportive rin sa mga CLA takers ngayon. Hindi kami iniwan sa aming department, lalong-lalo na ng alma mater namin,’’ paglalahad ni Awalleh Delmar Gahoc Mametis, CLE Passer/Muslim.

‘‘Kay Pastor Apollo C. Quiboloy, nagpapasalamat ako kay Pastor dahil siya ang founding president ng paaralan. Hindi kami iniwan ni Pastor sa exam namin,’’ dagdag pa ni Mametis.

Ibinahagi rin ng isang college instructor ang kahalagahan ng bagong katagumpayan ng JMCFI.

“Ang relevance ng achievements in line doon sa institution which is the Jose Maria College Foundation, Inc., is that makaproduce tayo ng world-class na mga students na nanggaling dito at tsaka maano natin ‘yung ACQ, which is the assured, consistent, and quality education. At ngayon, lumabas na lahat ng paghihirap namin na-align na sa sinasabing excellence ni Pastor Apollo C. Quiboloy,” ayon pa kay Ma’am Candida C. Apostol.

Ang tagumpay ng JMCFI ay hindi lamang nagbubukas ng mga pintuan ng oportunidad para sa kanilang mga mag-aaral kundi maging inspirasyon sa buong komunidad. Sa kabuuan, ang tagumpay na ito ay testamento lamang ng pangako ng JMCFI na bigyan ang mga mag-aaral nito ng assured, consistent, at quality brand of education.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter