NAGHAIN si Senator Win Gatchalian ng isang panukalang batas upang matugunan ang mismatch sa pagitan ng mga skills ng K to 12 graduates at mga demand ng labor market.
Sa ilalim ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022), ipinapanukala ni Gatchalian ang paglikha sa ‘National and Local Batang Magaling Councils’ upang mapaigting ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), local government units (LGUs), akademya, at mga katuwang sa industriya.
Binibigyan ng mandato ang National Council na tiyaking tugma ang tracks at strands ng K to 12 Basic Education Curriculum sa pangangailangan ng labor market.
Bubuuin ang National Council ng DepEd, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), tatlong national industry partners, isang national labor group, at ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).
Bubuuin naman sa lebel ng probinsiya, lungsod, at munisipalidad ang mga Local Council upang tiyaking matatanggap ng mga K to 12 senior high school (SHS) graduates ang edukasyon, pagsasanay, at skills na kinakailangan ng pribadong sektor.
Bubuuin ang Local Council ng provincial, city, o municipal local school boards, hindi bababa sa dalawang industry partners, isang kinatawan ng TESDA provincial office, at isang lokal na employee organization.
Bubuuin din sa lebel ng munisipalidad, lungsod, at probinsiya ang lokal na Batang Magaling Roadmap upang magbalangkas ng mga hakbang at layuning mag-aangat sa competitiveness ng mga SHS graduates at ang kanilang kahandaang magtrabaho.
Magiging bahagi ng lokal na roadmap ang mga skills na kailangan ng mga lokal na industry partners na itutugma naman sa kaalaman, kakayahan, at pagsasanay ng mga K to 12 SHS graduates.
Nakasaad din sa panukalang batas na ibabatay sa Batang Magaling Roadmap ang mga Work Immersion Program (WIP) para sa mga mag-aaral ng senior high school.
Upang maitugma ang WIP sa market demand, magiging mandato ng Council na magsagawa ng mga pag-aaral tungkol sa labor market demand kada tatlong taon.
Makikipag-ugnayan naman ang DepEd sa National at Local Council upang gumawa ng isang centralized nationwide database ng skills information.
Magsisilbi itong one-stop shop sa lahat ng mga usaping may kinalaman sa pagkakaroon ng trabaho ng mga K to 12 SHS graduates.
Upang mahikayat naman ang mga industry partners na bigyan ng trabaho ang mga K to 12 graduates, iminumungkahi ni Gatchalian na pahintulutang isama bilang dagdag na item ng deduction mula sa kanilang taxable income ang kabuuang halaga ng training expenses para sa skills development ng mga graduates na natanggap sa trabaho.
“Kung maisasabatas natin ang Batang Magaling Act, matitiyak natin ang kahandaan ng ating mga kabataan upang makapasok sila sa trabaho na batay sa kanilang galing at kasanayan. Matitiyak din natin na katuwang natin ang pribadong sektor upang mabigyan ng trabaho ang ating mga senior high school graduates, tulad ng layunin ng programang K to 12,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.