Kailangang gastusin nang husto ng gobyerno ang pondo nito para lumakas ang ekonomiya—Sen. Gatchalian

Kailangang gastusin nang husto ng gobyerno ang pondo nito para lumakas ang ekonomiya—Sen. Gatchalian

SINABI ni Senator Win Gatchalian na kailangang magsagawa ng isang strategic catch-up plan ang gobyerno na magbibigay-daan sa iba’t ibang ahensiya nito na gastusin nang mas mabilis ang kanilang mga alokasyon sa national budget upang palakasin ang ekonomiya.

Ang suhestiyon ni Gatchalian ay kasunod ng mabagal na 4.3% economic growth bunsod ng underspending ng gobyerno.

Ang paggasta ng gobyerno ay bumaba ng 7.1% sa ikalawang quarter ng taon mula noong 2022.

“Mas maiintindihan natin kung ang mga naging balakid ay external factors tulad ng pagbagal ng paglago ng China o ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine. Pero kung ang dahilan ay ang mabagal na paggasta ng pondo, puwedeng-puwede natin itong magawan ng paraan dahil ang paggasta ay isang bagay na maaari nating makontrol. ‘Yun nga lang, hindi naman tayo gumagastos nang sapat at naapektuhan nito ang paglago ng ating ekonomiya.”

“Pinag-uusapan natin na itaas ang pondo ng national government ng 9% ngunit hindi naman natin ito ginagasta nang mabilis kaya apektado nito ang paglago ng ekonomiya,” ayon kay Sen. Win Gatchalian.

Ang sabi ni Gatchalian sa economic team sa nagdaang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado.

Inusisa rin ni Gatchalian ang plano ng gobyerno na humabol sa paggasta ng natitirang pondo ng bansa upang lumago ang lokal na ekonomiya ng humigit-kumulang 6.6% sa ikalawang bahagi ng taon upang maabot ang 6% na target para sa buong taon na Gross Domestic Product (GDP) expansion.

Bilang tugon, sumagot si Department of Budget (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na mayroon nang inilabas na circular ang DBM na nag-uutos sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na magsumite pagsapit ng Setyembre 15, 2023 ng kani-kanilang plano para matugunan ang mga bottleneck at maabot ang kani-kanilang financial target para sa taon.

“Gusto nating itulak ang iba’t ibang ahensiya na mas mabilis na magpatupad nito dahil ito ay nakakaapekto sa buong ekonomiya,” ayon kay Sec. Amenah Pangandaman, DBM.

Napansin din ni Gatchalian ang pagkaantala sa mga pagbabayad na dapat gawin ng gobyerno, kabilang ang mga pagbabayad para sa mga unibersidad at kolehiyo ng estado.

Follow SMNI NEWS on Twitter