Kamara, handang suportahan ang Con-ass—Cong. Richard Gomez

Kamara, handang suportahan ang Con-ass—Cong. Richard Gomez

HANDA aniya suportahan ng Kamara ang Constituent assembly (Con-ass) para amyendahan ang 1987 Constitution.

Taliwas ito sa ipinasang Resolution of Both Houses No. 6 ng Kamara sa third and final reading para magpatawag ng Constitutional convention (Con-con).

Sa Con-ass, mga nakaupong mambabatas ang hihimay at babago sa Konstitusyon, habang sa Con-con, tao ang boboto ng mga uupo para aralin at baguhin ang Saligang Batas.

Ayon kay Leyte Rep. Richard Gomez, mismong si House Speaker Martin Romualdez ang nagsabi sa kaniya na handa silang magparaya para sundan ang Senado sa Con-ass.

Binanggit aniya ito sa kaniya ni Speaker Romualdez sa party leaders meeting kamakailan.

“Noong ni-report ko sa House Speaker namin kay Speaker Romualdez, yung mga napag-usapan namin sa PDP na tatlo lang ang pag-uusapan natin sa constitutional amendment. Number 1, Con-ass (at) pumayag si Speaker. Pangalawa, economic provisions lang ang pag-uusapan natin (at) pumayag si Speaker. Pangatlo, voting separately (at) pumayag si Speaker,” ani Gomez.

Sa madaling salita ani Gomez, payag ang Kamara na umayon sa mga kondisyon na inilatag ng Senado para amyendahan ang Saligang Batas.

Samantala, sinabi naman ni Gomez na hindi nila napag-usapan sa nakaraang meeting nila sa PDP-Laban na hindi nila isusulong sa Charter change (Cha-cha) ang pagtanggal sa mga senador sa political structure ng bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter