MAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang House Committee on Ways and Means laban sa napaulat na atraso sa buwis ng DITO Telecommunity Corp.
Ito’y matapos ireklamo ang DITO dahil umano sa ‘fraudulent calls’ ng network na dineklara umanong local call kahit ‘international calls’ ang mga ito.
Giit ni Albay Rep. Joey Salceda na chairman ng House Committee on Ways and Means, nasa P7.5 million kada buwan ang mawawala sa kaban ng gobyerno kung totoo ang isyu.
Ani Salceda, ipinagkakait sa pamahalaan ang tax revenues mula sa international voice traffic kapag dineklara itong local call lamang gaya ng ipinupukol ngayon sa DITO Telecom.
Kung totoo, nakagawa raw ng services smuggling ang DITO dahil ayon sa National Internal Revenue Code, may 10% tax sa lahat ng overseas dispatch tulad ng tawag at iba pang communication services.
“By masking the calls as local, they (are) effectively doing services smuggling. I am all for cheap international calls, because OFWs (overseas Filipino workers) need to connect to their loved ones here,” pahayag ni Salceda.
Giit ni Salceda, nais malaman ng kanyang komite kung may basehan ba ang DITO Telecom na suwayin ang nasabing probisyon sa batas.
Iimbitahan sa hearing ang mga taga BIR at NTC para magtanong sa isyu.