Kapakanan at karapatan ng lahat ng OFWs, pangakong tutuparin – PBBM

Kapakanan at karapatan ng lahat ng OFWs, pangakong tutuparin – PBBM

NAKIPAG-meeting si Pangulong  Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa Filipino community sa Jakarta, Indonesia nitong araw ng Linggo.

Bitbit ni PBBM ang mahahalagang mensahe na nagbibigay pag-asa sa mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) sa naturang bansa.

Sinabi ni Pangulong Marcos na itataguyod ng Department of Migrant Workers (DMW) katuwang ng Department of Foreign Affairs (DFA) maging ng mga embahada at konsulado ang kapakanan at karapatan ng lahat ng OFWs sa buong mundo.

“Ito ang aking pangako na tutuparin ko bilang bago ninyong Pangulo. We, Filipinos, we share with the Indonesians a common cultural heritage,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ipinagmalaki naman ng Punong Ehekutibo na talagang napakalaki ng respeto ng mga Indonesian sa mga Pilipino dahil sa mga magigiting na OFWs.

Naging valued members ng local society ang OFWs bilang investors, company directors, business consultants, lawyers, accountants, engineers, teachers at technical staff.

Taos-puso namang nagpapasalamat si Pangulong Marcos dahil sa  pagmamahal sa bayan at sa  sakripisyo na dinadaanan ng mga ito.

“Para sa inyong mga pamilya, para sa inyong minamahal na Pilipinas. At kayo ngayon naging Ambassador of Goodwill na ng Pilipinas dito sa Indonesia kaya naman kami ay magpapasalamat din at dito sa Indonesia napakaganda ang pangalan ng Pilipino sa inyong mga kasama dito,” ayon kay PBBM.

Ipinaalala rin ni Pangulong Marcos sa mga OFW na lagi itong prayoridad ng administrasyon.

At dahil dito, aasahan aniya ng mga OFW na magiging fully operational na simula 2023 ang DMW sa pamumuno ni Secretary Susan Toots Ople.

Kinilala naman ng Chief Executive ang napakalaking kontribusyon ng OFWs, hindi lang sa pamilya nito, kundi maging sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ibinahagi pa ni Pangulong Marcos na noong Hunyo 30 nang manumpa ito sa panunungkulan, ay tinanggap din nito ang pag-anyaya ni President Joko Widodo na bumisita sa Indonesia.

Idinagdag pa ng Pangulo, na ngayong araw, makikipagkita ito kay President Widodo.

Sasaksihan nina Pangulong Marcos at Pangulong Widodo ang paglagda ng mga kasunduan sa depensa, kultura, gayundin ang Comprehensive Plan of Action.

“Magwi-witness din kami ng pirmahan ng mga importanteng agreement na magbibigay ng pundasyon sa ating pagpatibay sa ating pagkapartner sa Indonesia para sa susunod na limang taon at sa darating pa na ilang taon pagkatapos niya,” ani PBBM.

Paiigtingin ng dalawang bansa ang  bilateral relationship at partnership kung saan 73 years nang magkapartner ang Pilipinas at Indonesia.

Pag-uusapan din ng dalawang bansa kung papaano magtutulungan pagdating sa security, defense, trade and investment at saka sa kultura.

Bukod dito, sinabi ni Pangulong Marcos na pagtitibayin pa ng bansa ang tinatawag na people-to-people ties sa pamamagitan ng turismo at business travel.

 

Follow SMNI News on Twitter