Karpentero, naaresto sa halos P22-M halaga ng shabu ng Bohol PNP

Karpentero, naaresto sa halos P22-M halaga ng shabu ng Bohol PNP

UMAABOT sa mahigit 3 kilo o katumbas ng halos P22-M halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nasabat ng kapulisan ng Bohol sa isang karpentero na nadakip sa inilunsad na buy-bust operation sa Purok 8, Brgy. Songculan, Dauis ng probinsiya noong Hulyo 14, 2023.

Nakuha ito mula kay ‘Win-Win’, isang 33 anyos, residente ng Purok 5, Brgy. Mariveles ng kaparehong bayan na kabilang sa talaan ng high value individual.

Nasakote ang suspek sa pinagsanib na puwersa ng Dauis Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit at Provincial Mobile Force Company at Bohol Police Provincial Office.

Bago pa ang operasyon, isinailalim na ang suspek sa halos 2 buwan na surveillance matapos matanggap at maberipika ang impormasyong natanggap ukol sa pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad.

Pinuri naman ni Provincial Director, Police Colonel Lorenzo A. Batuang, ang mahusay at walang humpay na pagganap ng kapulisan at muling pinaalalahanang manatiling maging mapagbantay pagdating sa mga illegal-drug trade.

Paglabag sa RA 9165, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kasong kahaharapin ng suspek.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter