PATULOY na tumataas ang kaso ng bird flu sa Japan matapos makapagtala ng mga bagong kaso nito sa Chiba at Fukuoka Prefectures.
Noong Martes, umabot sa 54 na kaso ng avian flu ang nakumpirma sa 23 prefecture sa Japan ayon sa Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries.
Sa isang poultry farm sa Chiba Prefecture, malapit sa Tokyo, ang avian flu case ay nakumpirma sa pamamagitan ng genetic testing na nagdulot sa sapilitang pagpatay sa 10 libong manok sa nasabing lokasyon.
Naiulat din ang bird flu sa isang poultry farm sa Fukuoka Prefecture kung saan 430 ibon ang pinatay rito.
Matatandaan na ang dating kaso ng bird flu ay naitala dalawang season na ang nakalipas sa pagitan ng Nobyembre 2020 at Marso 2021.
Samantala, matapos maitala ang bird flu sa iba’t ibang bansa, pinaniniwalaan naman na dala ang sakit na ito sa Japan ng migratory birds.