NILINAW ni Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta na suportado niya si Erwin Tulfo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Subalit binigyang-diin ni Marcoleta sa panayam ng SMNI News na kailangan pa rin nilang maitanong kay Tulfo at mapag-aralan ang hinggil sa 4 counts nitong libel na nakasaad sa profile at investigation report para sa pagsalang ng kalihim sa confirmation hearing nito sa Commission on Appointments (CA).
Ipinaliwanag ni Marcoleta na binabaan ng Korte Suprema ang kasong ito para kay Tulfo at sa huli ay pinagbayad lang ito ng penalty imbis na makulong.
Ang isyu nga lang, kahit binabaan ang naging parusa, hindi pa rin ani Marcoleta nawala ang moral aspect ng conviction lalo na’t ang libel ay isa sa mga offense na kinapapalooban ng moral turpitude.
Sa ngayon ay hininto pa muna ang confirmation hearing ni Tulfo bilang DSWD Secretary dahil pag-aaralan pa ng mga miyembro ng CA kung existing pa ba sa panuntunan nila ang disqualification sa ganitong uri ng sitwasyon.