IGINIIT ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo na tutulungan ng ahensya ang mga single mom at mga nanay na may problema sa sustento ng kanilang partner.
“I will take this opportunity sa mga single mom ho diyan sa may mga anak may mga tatay na ayaw sumustento o iniwan ng magulang ng kaniyang tatay. Pwede po kayong lumapit mga single mom sa akin o kahit may mga asawa na. Kung ayaw sustentuhan ng inyong Anak ng tatay nila pwede po silang pumunta. Provided yung tatay po nila ay may trabaho o may kinikita,” pahayag ni Tulfo.
Ayon kay Tulfo, karapatan ng mga single mom na makakuha ng sustento kaya tutulungan nila ang mga ito na makakuha ng tulong.
Giit pa ng kalihim, idudulog nila ang bawat kaso sa nararapat na ahensya ng pamahalaan habang magkakaloob sila ng assistance sa bawat magrereklamo.
Bukod sa sustento, tutulong rin ang DSWD sa isyu ng child custody.
“Yung inagaw ng mga mister ang kanilang mga anak o ng mga ex nila yung anak nila na menor de edad 7 and below po dapat po sa nanay po yan orayt. Pwede po ninyong kunin, kung ayaw po nagmamatigas-tigas wala ho akong pakialam kahit sinong tatay yan. Opisyal man siya, sundalo o pulis whatever-negosyante. Lumapit ho kayo mga nanay kung ang inyong anak ay hawak ng inyong mga ex ng inyong mga mister ayaw ibigay sa’yo 7 years and below tutulungan ka po ng DSWD. Kukunin po namin sa kanya yung ika nga kustodiya ng bata basta’t 7 years and below po yan,” ayon pa ni Tulfo.
Naunang sinabi ni Tulfo na inatasan ito ni Pangulong Bongbong Marcos na ilapit ang serbisyo ng DSWD sa taumbayan.