NAGKUKUNWARI lang si Senador Risa Hontiveros na ipinaglalaban niya ang karapatan ng mga nawalan ng trabaho sa pagkasarado ng ABS-CBN.
Ayon kay Sagip Party list Rep. Rodante Marcoleta sa panayam ng SMNI News, ang totoo sa muling pagbuhay ng issue ay ipinaglalaban niya lang ang interes ng Kapamilya Network.
Nangyari ang muling pagbuhay ni Hontiveros sa issue ng ABS-CBN nang isinalang sa confirmation hearing sa Commission on Appointments si Commission on Audit chairperson Gamaliel Cordoba.
Si Cordoba ay dating commissioner ng National Telecommunications Commission.
Ayon kay Hontiveros, hindi umano isinakatuparan ni Cordoba ang kanyang pangako habang ito’y nasa NTC pa na magbigay ng provisional license sa ABS-CBN.
Ito’y para makapagpatuloy sa broadcast habang naka-pending pa ang hinihiling nitong bagong prangkisa.
Ipinaliwanag ni Cordoba na opinyon lang iyon ng Department of Justice at sa pag-aaral ay hindi naman ito maaaring maibigay.
Dahil dito, ayon kay Marcoleta, nagmimistulang iniinsulto ni Hontiveros ang naging pasya ng 18th Congress hinggil sa pagpapasarado ng ABS-CBN.