Mariing tinututulan ng The Kingdom of Jesus Christ the Name Above Every Name (KOJC) ang panukalang SOGIESC Equality Act o Senate Bill No. 218, at hinimok ang mga mambabatas na huwag itong ipasa.
Sa isang opisyal na pahayag na nilagdaan ni KOJC Executive Minister Marlon Acobo, iginiit ng grupo na may mabigat na panganib ang mga probisyon ng panukala sa kalayaan sa relihiyon, kalayaang akademiko, responsibilidad ng mga magulang, at kalayaan ng konsensiya.
Gayunpaman, nilinaw ng KOJCT na ang mismong panukalang batas ang kanilang tinututulan at hindi ang mga taong nais nitong protektahan. Giit nila, bawat isa ay nararapat bigyan ng dignidad, kaligtasan, at patas na pagtrato. Kinondena rin ng grupo ang karahasan, pambu-bully, panghihiya, at hindi makatarungang diskriminasyon laban sa sinuman, kabilang ang mga miyembro ng LGBTQ community, dahil labag umano sa kanilang pananampalataya ang anumang kalupitan.
Isa sa mga tinukoy ng grupo ang Section 5(a) ng panukala. Bagaman pinapayagan nito ang mga pamantayang may kinalaman sa trabaho, wala umano itong malinaw na exemption para sa clergy, guro ng mga doktrina, at iba pang tungkuling panrelihiyon. Ayon sa KOJC, bahagi ng kanilang pananampalataya ang pagpili ng sarili nilang mga pinuno at kinatawan, kaya hindi ito dapat isailalim sa karaniwang employment rule.
Sa usapin naman ng edukasyon, sinabi ng grupo na kulang ang proteksiyong ibinibigay ng Sections 5(b) at 5(c) para sa mga paaralang nakabatay sa pananampalataya. Nangangamba silang malagay sa alanganin ang mga patakaran ng mga paaralang ito sa pagtanggap at pagdidisiplina ng mga estudyante, at maharap pa sa parusang kriminal dahil sa mga probisyong maaaring pagtalunan ang interpretasyon.
Pinuna rin ng grupo ang malawak na kahulugan ng harassment sa Section 3, na sumasaklaw kahit sa mga kilos na nakakainis, nakakainsulto, o nakakasakit ng damdamin. Kahit hindi umano awtomatikong krimen ang bawat nakakasakit na salita, tutol pa rin sila dahil sa sobrang lawak ng sakop nito.
Kasabay nito, inalmahan ng KOJC ang Section 5(h) na malawakang nagbabawal sa pagpigil sa pagpapahayag ng sexual orientation o gender identity ng isang bata, kahit pa kinikilala sa Section 2 ang awtoridad ng mga magulang. Iginiit nilang dapat malinaw na paghiwalayin ang pang-aabuso mula sa mapayapang pagtuturo, magalang na hindi pagsang-ayon, at maayos na paggabay ng mga magulang.
Nabibigatan din ang grupo sa mga parusa sa ilalim ng Section 8. Para sa ilang paglabag sa trabaho at edukasyon, maaaring patawan ng multang ₱100,000 hanggang ₱250,000 o pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon bukod pa sa mas mataas na parusa para sa mga mapapatunayang nagkasalang tauhan sa ilalim ng hiwalay na probisyon para sa mga organisasyon. Para sa KOJC, hindi patas ang ganito kabigat na parusa kung malabo pa ang hangganan ng batas.
Nilinaw ng grupo na hindi nila sinasabing direktang ipinagbabawal ng panukala ang kanilang relihiyon. Ngunit tinututulan nila ang legal na panganib na dulot nito, dahil ang pamimilit sa paniniwala at pagpaparusa sa mapayapang gawaing panrelihiyon ay malinaw umanong pag-atake sa kalayaan ng konsensiya.
Sa pagtatapos ng pahayag, muling umapela ang KOJC sa Kongreso na ibasura ang Senate Bill No. 218. Anila, hindi sila humihingi ng espesyal na pabor o pahintulot na manakit, kundi ng patas na proteksiyon para sa dignidad ng tao at kalayaan kabilang ang karapatang hindi sumang-ayon nang walang galit, at maniwala nang walang pamimilit.
