PARA protektahan ang natural resources ng bansa mula sa pang-aabuso ng iilan, nais ni Sen. Alan Peter Cayetano na imbestigahan ng Senado ang katotohanan sa likod ng pagkansela ng DENR sa kasunduan nito para sa isang housing project sa Masungi Georeserve.
Sa Senate Resolution No. 1323 na inihain ni Cayetano nitong Marso 12, nanawagan ang senador sa Blue Ribbon Committee na tukuyin ang puno’t dulo ng pagkansela ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Supplemental Joint Venture Agreement (SJVA) nito sa pribadong developer na Blue Star Construction Development Corporation (BSDC).
Ang Masungi Rock sa Baras, Rizal ay isang protected area na kilala sa mga limestone cliff, kagubatan, at biodiversity nito. Bukod sa pagpigil sa pagbaha, nagsu-supply rin ito ng malinis na tubig sa Metro Manila.
Taong 1996 nang kontratahin ng DENR ang BSDC para tayuan ng 5,000 low-cost housing units para sa mga empleyado ng gobyerno. Pinalawig ng SJVA ang kasunduan noong 2002 para magtayo ng dagdag na 5,000 units.
Pero nitong Marso, nagdesisyon ang DENR na kanselahin ang SJVA dahil hindi raw natupad ng developer ang obligasyon nito. Wala rin daw malinaw na financial report ang developer para sa proyekto.
Inakusahan din ng ahensiya ang Masungi Georeserve Foundation, Inc., isang grupong may kaugnayan sa BSDC at naatasang mangalaga sa 2,700 ektarya ng lupa, kabilang ang Masungi, na ginawa umano nitong commercial tourism site imbes na pagtayuan ng pabahay.
Sa kaniyang resolusyon, binigyang-diin ni Cayetano na ang Masungi ay hindi lang isang tourism site kundi isang mahalagang likas na yaman para sa mga ordinaryong Pilipino. Nagsisilbi aniya itong pananggalang laban sa baha at pinagmumulan ng malinis na tubig.
Dagdag niya, inaatasan ng 1987 Constitution ang gobyerno na panatilihin ang “balanced and healthful ecology.” Binigyang-diin din niya ang pangangailangang protektahan ang lugar para sa susunod na mga henerasyon.
“The protection and conservation of the environment and our natural resources for the benefit and enjoyment of present and future generations of Filipinos is a sacred duty entrusted to our leaders,” ayon kay Cayetano.
Nagbabala rin ang senador na higit pa sa usaping pangkalikasan ang nakataya rito—lumalabas din aniya ang mas malawak na isyu ng posibleng pagmamalabis at maling pangangasiwa sa mga pampublikong lupain.
“It is imperative that the government, the private sector, and other stakeholders squarely confront this legal quandary in which the Masungi Georeserve finds itself,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Cayetano na kailangang tiyakin ng Senado ang transparency at accountability sa pangangasiwa ng pampublikong lupa at pinaalalahanan ang mga opisyal na ang mabuting pamamahala ay para sa kapakanan ng mamamayan.
Sa ngayon ay wala pang itinakdang petsa ang Blue Ribbon Committee para sa imbestigasyon.
Follow SMNI News on Rumble