Korte Suprema bahagyang inalis ang TRO sa No Contact Apprehension Program ng MMDA

Korte Suprema bahagyang inalis ang TRO sa No Contact Apprehension Program ng MMDA

ISANG mahalagang desisyon ang inilabas ng Korte Suprema kahapon, Mayo 20, 2025 na muling nagbubukas ng usapin sa No Contact Apprehension Program (NCAP).

Sa halos tatlong taong pagkaantala, pinahintulutan na nitong ipagpatuloy sa limitadong kapasidad, ang pagpapatupad ng naturang programa ng MMDA.

Sa en banc session na ginanap noong Mayo 20, 2025, pinagbigyan ng Korte Suprema ang urgent motion ng Office of the Solicitor General na kumakatawan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon sa korte, ang mosyon ay humihiling na bahagyang alisin ang Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas noong Agosto 30, 2022.

Ang TRO ang dahilan kung bakit pansamantalang ipinahinto ang NCAP na nakabatay sa MMDA Resolution No. 16-01.

Matatandaang pinatigil ang pagpapatupad ng NCAP dahil sa mga reklamo at kaso mula sa mga grupo ng motorista. Ipinunto nila na labag ito sa karapatan ng mga motorista at kulang sa due process.

Isa sa mga kasong ito ay inihain ng Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon, Incorporated laban sa lungsod ng Maynila. Gusto ng mga petitioner na ideklarang labag sa konstitusyon ang NCAP.

Ngunit kahit bahagya nang inalis ng korte ang TRO para sa MMDA, nananatiling suspendido ang programa sa mga lungsod na hindi saklaw ng resolusyon. Ibig sabihin, hindi pa rin ito maaaring ipatupad sa ilang bahagi ng Metro Manila habang tuloy pa ang pagdinig sa kaso.

Sa ngayon, patuloy na pinag-aaralan ng Korte Suprema ang lahat ng argumento at ebidensiya. Ang naging hakbang ng korte ay pagbubukas ng pinto para muling buhayin ang programa ng MMDA, habang hinihintay pa ang pinal na desisyon sa kabuuang kaso.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble