NAGSAMA-sama sa isang bagong pangkat ang licensed recruitment agencies para idulog ang kanilang mga hinaing sa gobyerno para sa kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW).
Nanumpa nitong Miyerkules ang mga opisyal ng Special Alliance of Welfare Officers, Advocates, Recruiters and Migrant Workers Inc. (SWARM).
Sila ay grupo ng mga lisensyadong recruiter na layong makipagtulungan at makipagpalitan ng ideya sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa kapakanan ng mga OFW.
Bukod sa recruiters, isinama rin sa grupo ang mga welfare officer ng mga agency.
“Ang hindi naiintindihan kailangan mayroong specific na mga employees na nakatutok sa problema ng mga OFWs at ‘yung ay tawaging mga welfare officer. At ang welfare officer natin, hindi lang ang welfare officer ng Philippine recruitment agency, nire-require kasi rin ng ating gobyerno na dapat yung mga foreign agency natin dapat meron din silang Filipino welfare officer. ‘Yun po ay pinagsama-sama natin at pinag-isa natin na nandito sa organization,”ani Atty. David Castillon, founding chairman ng SWARM.
Nilinaw naman ng grupo na hindi nagpapabaya ang recruitment agency sa tuwing may naabusong OFW.
Kaya nais nila na makipagtulungan at ipaliwanag ang kanilang panig sa DMW.
Dahil hindi naman daw lahat ng reklamo ng mga OFW ay totoo.
Ang iba nga raw dito ay pakana ng iilang abusadong OFW.
Habang ang iba naman ay kagagawan ng mga abusadong employer.
Ito ang karaniwang problema ng mga recruitment agency kaya binuo ang SWARM para sabay-sabay itong idulog sa pamahalaan.
“Ang problema talaga ng mga recruitment agency sobrang laki sa ngayon. Ano po yung problema nila? Yung problema na kinokondena sila sa ating bansa na para bang kapag merong isang tao na minaltrato, pag ang OFW ay ginahasa, pag ang OFW ay nakaranas ng hindi maganda sa ibang bansa, ang agad-agad naiisip ang agad-agad na naiisip ng ating mga kababayan ay nagpabaya ang ating recruitment agency. Pero sa totoo lang, meron po talagang mga insidente na hindi nalalaman ng mga recruitment agency dahil tinatago po yung mga karahasan na ginagawa ng ating mga employer. At hindi talaga pinapaalam sa may-ari ng recruitment agency,” ayon kay Castillon.
Nilinaw naman ng SWARM na hindi sila nakikipagkumpetensya sa ibang grupo ng recruiters.
Nilinaw rin nila na hindi sila kontra sa mga programa ng pamahalaan.
Bagkus nais nilang maging katuwang ng gobyerno para sa kapakanan ng mga Pinoy abroad.
“Kinakailangan itong grupong ito ay maging daan upang ipahatid sa gobyerno kung ano yung mga nakikita naming problema mula pa noong una na hanggang ngayon ay hindi pa nasosolusyunan. Parang problem from Day 1 still exist up to now. So yun po ang maganda sana na with Secretary Toots as the new head of the new department maybe there could be new paradigm shift from government regarding overseas employment,” pahayag naman ni Victor Fernandez, presidente ng SWARM.
Punto rin ng grupo na dudulog ang mga licensed recruiters sa gobyerno para maiwasan ang hindi makatarungang suspensyon sa kanilang hanay lalo na sa mga hindi pabayang agencies.
“Kung kinansela mo yan na meron namang masamang ginawa ang recruitment agency hindi namin yan susuportahan. Magpa-cancel ka, wala kang karapatang magreklamo dahil may ginawa kang masama. Pero kung inaasikaso mo naman ang mga problema ng iyong deployed workers dapat magbigay rin ng konsiderasyon ang ating mga otoridad na tingnan muna nila nang mabuti, pag-aralan nilang mabuti pag kinansel ba natin ito talaga bang kasalanan ni agency or parte dito ay kasalanan talaga ng ating mga employer,” ayon pa ni Castillon.
Halos lahat ng OFWs ay dumadaan sa licensed recruitment agencies bago makapangibang bayan.
Ayon sa SWARM, maliit na bilang ng deployment abroad ay dahil sa government-to-government o G-to-G negotiation.
Kaya sa halip na sila’y ipitin ng pamahalaan, ay nais nila na makipagdayalogo para maayos ang lahat ng concern.
Lahat naman ng mapag-uusapan ay direkta nilang ipapaabot kay Secretary Toots Ople.