MAY alok na libreng sakay ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) simula kahapon, Huwebes.
Ang libreng sakay ay mula North Luzon Express Terminal (NLET) hanggang Araneta Center Cubao, at mula NLET hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Ito ay matapos magdulot ng kalituhan sa commuters ang ipinatupad na 10PM hanggang 5AM window hour para sa mga provincial buses na dumadaan sa EDSA na nagresulta ng pagka-stranded ng maraming pasahero.
Ayon sa LTFRB, ang libreng sakay ay available mula ala 1 ng madaling araw hanggang alas 12 ng hatinggabi.
Samantala, available naman ang free rides sa EDSA busway carousel mula alas 4 ng umaga hanggang alas 11 ng gabi.
Sinabi ng LTFRB na ang libreng sakay ay bahagi ng service contracting program na may layuning matulungan ang mga operator at driver na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic at patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sa pamamagitan ng programa ay babayaran ng gobyerno ang mga kalahok nito base sa bilang ng biyahe na kanilang itinakbo kada linggo.