Magulang ng 6-anyos na bata na bumaril sa guro, maaaring kasuhan

Magulang ng 6-anyos na bata na bumaril sa guro, maaaring kasuhan

MAAARING maharap sa mga kaso ang isang magulang sa Virginia pagkatapos barilin ng kanilang anim na taong gulang na anak ang guro nito sa kalagitnaan ng klase.

Ayon sa mga awtoridad, sinadya umanong barilin ng anim na taong gulang na estudyante ng Richneck Elementary School sa Virginia ang kanyang guro.

At bagama’t hindi kakasuhan ang bata, maaari namang humarap sa kaso ang magulang nito.

Nakatuon ang kaso sa posibilidad na hindi na-secure ng mga magulang ng bata ang armas na ginamit sa pamamaril bagama’t ayon sa record, legal na binili ng ina ng bata ang baril na ginamit nito.

Ayon sa report, nilagay ng bata ang baril sa kanyang backpack at tinutukan at pinaputukan ang guro sa klase.

Tinamaan ang biktima sa dibdib at kamay na ginamit nito bilang depensa sa putok.

Sa kasalukuyan, ang bata ay nasa ilalim ng temporary detention order at sinusuri sa isang lokal na ospital.

Samantala, ang guro na biktima na si Abby Zwerner ay mapalad na ligtas at nagpapagaling pa rin sa hospital.

Mayroon nang 22 insidente ng karahasan sa baril sa Estados Unidos sa pagpasok ng bagong taon at inaasahang hindi pa ito ang huli.

Sarado ang Richneck Elementary sa buong linggo, at nakikipagtulungan ang mga child psychologist sa mga batang mag-aaral sa malagim na insidenteng kanilang nasaksihan.

Follow SMNI NEWS in Twitter