Mahigit 150K pasahero kada araw ngayong Semana Santa sa NAIA inaaasahan—NNIC

Mahigit 150K pasahero kada araw ngayong Semana Santa sa NAIA inaaasahan—NNIC

HANDA na ang pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pagdagsa ng mga pasahero na uuwi sa kanilang mga probinsya, kasama na rin ang mga turista ngayong Holy Week.

Sinabi ni New NAIA Infra Corporation (NNIC) General Manager Angelito Alvarez, mataas ang kanilang kumpiyansa na kaya nilang pangasiwaan ang inaasahang dami ng pasahero sa paliparan.

Pagtitiyak ni Alvarez, mas mapapabilis na ang proseso ng pag-check-in sa local at international flights—hindi na aabot sa dalawa o tatlong oras ang paghihintay.

Sabi rin ni Alvarez, ang bayaran ng airlines ay batay na sa bilang ng mga pasahero at hindi na sa oras na gugugulin sa check-in.

Posible na ring magbukas ang check-in counters apat na oras bago ang flight.

Tungkol naman sa mahabang pila sa immigration, sinabi ni Department of Transportation Sec. Vince Dizon na may mga pagbabago na para mapabilis ang proseso, lalo na’t may mga karagdagang counters na sa NAIA.

Samantala, sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na prayoridad ang Overseas Filipino Workers (OFWs)at airline crew sa fast lanes.

Magdaragdag din ng tauhan ang Bureau of Immigration (BI) para mapabilis ang proseso.

Bukod sa mga uuwing OFW at mga Pilipinong uuwi sa mga probinsiya, maraming turista rin ang inaasahang darating patungo sa iba’t ibang tourist destinations sa bansa. Inaasahang magiging abala ang NAIA sa mga susunod na araw.

Samantala, inaasahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pagtaas ng bilang ng pasahero sa 44 na paliparan sa bansa ngayong Semana Santa.

Ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, magsisimula ang “Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2025” sa Abril 14–31.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble