INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na mula kahapon, Enero 1, 74 ang naitalang bagong kaso ng fireworks-related injury mula sa 61 ng DOH Sentinel Hospitals.
Sa kasalukuyan, ang kabuoang bilang ng mga kaso ng pinsala dulot ng paputok ay nasa 211.
Ito ay mas mataas ng 16% kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa sakop na petsa.
Paalala naman ng ahensya sa publiko na huwag pulutin gamit ng kamay ang mga makikitang natirang mga paputok sa daan, at bantayan ang mga bata para hindi nila ito maisubo o mapaglaruan.
Kung nasugatan man dahil sa paputok, ayon sa DOH, pumunta agad sa pinakamalapit na health facility upang mabigyan ng tamang lunas.