DALAWANG lalaki ang inaresto ng mga awtoridad sa Zaragoza, Nueva Ecija nitong Disyembre 10, Martes bandang alas-5:00 ng umaga.
Base sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PRO3 Director PBGen Redrico A. Maranan, bandang alas-3:00 ng madaling araw, nakatanggap ang mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 1st PMFC, NEPPO, ng impormasyon ukol sa isang trak na magdadala ng ilegal na sigarilyo na daraan sa Zaragoza.
Agad silang nakipag-ugnayan sa Zaragoza Municipal Police Station (MPS), at nagsagawa ng checkpoint operation sa Sta. Rosa-Zaragoza Road, Brgy. Carmen, Zaragosa, Nueva Ecija.
Dakong alas-5:00 ng umaga habang patuloy ang ipinatutupad na checkpoint operation ay pinahinto nila ang isang trak para sa routine inspection na kung saan ay nakita nila ang iba’t ibang kahon na may lamang iba’t ibang uri ng Chinese cigarettes.
Walang kaukulang dokumento ang nasabing kargamento.
Nakumpiska sa kanila ang 147 mga kahon ng iba’t ibang uri ng Chinese cigarettes na nagkakahalaga ng tinatayang Php 1,764,000.00.
Ayon sa PRO3, patuloy nitong paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na sigarilyo alinsunod sa Republic Act No. 9211 (Anti-Tobacco Regulation Act of 2003).