Mahigit P6-B na pondo ng NTF-ELCAC, ikinadismaya ni Pastor Apollo C. Quiboloy

Mahigit P6-B na pondo ng NTF-ELCAC, ikinadismaya ni Pastor Apollo C. Quiboloy

LABIS na ikinadismaya ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang mahigit P6-B pondong natanggap ng NTF-ELCAC para sa 2023 budget.

Sa live program ng Powerline nitong Huwebes, Enero 12 ay umalma si Pastor Apollo sa muling pagkaltas sa budget nito.

Matatandaan na una nang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi lamang nito itutuloy ang NTF-ELCAC, bagkus ay dadagdagan niya pa ang pondo nito.

Ngunit sa inilabas na General Appropriation Act (GAA) 2023, nakasaad na P6,336,000,000 lang ang inilaan na budget para dito.

Nalaman lang ito ng taumbayan nang ihayag ni NTF-ELCAC Director Arnulfo Ferdinand G. Bajarin ang nasabing pondo sa programang Laban Kasama ang Bayan.

Ito’y kahit na una nang kinumpirma noong bicameral hearing para sa GAA ang 10-B pisong pangakong pondo para sa task force.

“We agree to restore it but we ask the agency to be more efficient and … Kasi as of now, it’s only two percent that were utilized for the year 2022, December na po ngayon. We urge and we no na ulitize it, sayang ang 98% sa tingin natin, nakakatulong yun nang maigi. It would be more kung nagagamit nang tama nang mabilis. We’re thinking of other ways as to how make it more efficient and more effective,” sinabi ni Rep. Zaldy Co, Chairman, House Committee on Appropriations.

Samantala, sa isang viber message, kinumpirma ni Rep. Co na nasa higit anim na bilyong piso lang muna ang unang ilalabas para sa NTF-ELCAC at ang natitirang pangakong apat na bilyong piso ay nakadepende pa sa performance ng NTF-ELCAC.

“Fully restored siya at 10B, first release is 6.6B plus and others will be dependent on their performance if maaward and implemented agad by April the balance May 2023 then others will be release by executive agad.. Depende sa bilis nila,” ani Co.

Kasunod nito, pahayag ni Pastor Apollo, tila pinaikot-ikot at niloko lamang ng mga mambabatas ang taumbayan nang sabihin nitong ibabalik nila ng buong-buo ang P10 bilyon na pondo para sa NTF-ELCAC.

“Sinasaktan talaga nila ang damdamin ng mga taong nagmamahal sa bayan.  Kaya pala, napakarami nila diyan sa loob. Kaya pala di ko maintindihan. Ganito ang di ko pagkakaintindi, taga gobyerno ang mga ito. Alam nila kung anong naging resulta ng NTF-ELCAC. Alam nila kung ano ang resulta at nakikita ng kanilang mga mata pero noong wala na ang Pangulong Duterte at sila na ang nandoon sa bagong Kongreso at bagong Senado, ayun sinasaktan na naman nila ang damdamin ng taumbayan. Binaba na naman nila ang hope ng taumbayan na sana ito’y makapagpatuloy sa mga affected barangays pa para tuluyan ang solusyon na mawala ang insurhensyang ito na naging salot sa loob ng 53, 54 years,” ayon kay Pastor Apollo.

Dagdag pa ng butihing Pastor, walang hustisya ang ginawang pagkaltas na ito sa pondo ng NTF-ELCAC dahil hinahadlangan nila ang pag-unlad ng bansa mula sa salot na CPP-NPA-NDF.

“Mga kaibigan, mga kababayan, nakakadismaya itong mga may kapangyarihan na itaas o ibaba, na tulungan ang pamayanan o pahirapan. Ang kanilang pinili pahirapan ang pamayanan at palakasin ang CPP-NPA-NDF, sila po ang may kasalanan nito,” ayon pa sa butihing Pastor.

Nagbabala naman si Pastor Apollo na huwag nang iboto sa susunod na eleksyon ang mga mambabatas na kampi o tagasuporta ng komunistang teroristang grupo.

Umaasa rin siya na maliwanagan na ang mga ito.

“Ang ibalik po natin dyan ay mga totoong nagmamahal sa interes ng ating bansa na mawala na ang mga salot na CPP-NPA-NDF at mga salot na kakampi nila sa Kongreso at sa Senado at saan mang sektor ng ating pamayanan, mawala na rin ang salot na naka-infiltrate , nawa’y maliwanagan ang media personalities, broadcast na kampi rin sa kanila. Pag kumampi kayo sa CPP-NPA NDF, sa judgement day sasagutin din ninyo at kasama kayo sa mananagot sa dugo ng more than 50,000 na pinatay nila. Kasama kayo doon,” saad pa ni Pastor Apollo.

Follow SMNI NEWS in Twitter