NANGAKO si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito na kaniyang uunahin ang pagpapatuloy ng mga pangunahing infrastructure program sa bansa, kahit na may pagpapalito ng liderato sa pamahalaan.
Sa kaniyang talumpati sa Stratbase Forum on Revitalizing Infrastructure Development in the Philippines through Public-Private Partnerships sa Makati nitong Biyernes, Setyembre 22, binigyang diin ni Ejercito ang kahalagahan ng pagbuo ng malinaw na roadmap para sa continuity at sustainability ng mga infrastructure project ng gobyerno.
Bilang isang masugid na tagapagtaguyod ng infrastructure development, isinusulong ni Ejercito ang pagbuo at institusyonalisasyon ng komprehensibong masterplan for infrastructure development para makamit ang economic growth trajectory.
Ang masterplan nito ay magsisilbing blueprint para sa iba’t ibang departamento ng gobyerno sa construction, upgrading, at improvement ng lahat ng infrastructure projects sa bansa.
Saklaw ng naturang plano, na bubuuhin ng National Economic and Development Authority (NEDA) at tutukan ng isang Joint Congressional Oversight Committee, ang maraming areas of development tulad ng transportation at logistics, energy, water resources, information at communications technology, social infrastructure, agri-fisheries modernization and food logistics, asset preservation at maintenance strategies.
Sa pinakabagong Global Competitiveness Report, ang Pilipinas ay pang-102 sa 141 bansa sa mundo pagdating sa transport infrastructure.
Sa mga bansa Asya, ang Pilipinas ang nakatanggap ng lowest rated railway service, kung saan pang-86 ito sa 101 mga bansa.
Pagdating sa foreign direct investments, nahuhuli rin ang bansa pagdating sa infrastructure development, kung saan nalagpasan pa ng Vietnam ang Pilipinas.
Inuugnay ang pagbaba sa dalawang pangunahing dahilan: ang mataas na halaga ng enerhiya at ang kakulangan sa infrastructure development.
“Most officials, even the national officials, are only concerned of the short-term, medium-term. Nakalimutan po natin ‘yung long-term planning. That’s probably the reason why comparing us to the ASEAN neighbors, we are already lagging behind in terms of infrastructure development,” saad ni Ejercito.
Samantala, inaprubahan na sa ikatlong pagbasa sa plenaryo ang Senate Bill No. 2233 o Public-Private Partnership Act, na iniakda at inisponsoran ni Ejercito. Nakatakada ang bicameral discussion sa Martes, Setyembre 26.
Ang nasabing panukala ay tutugon sa lumalalang infrastructure backlogs sa bansa, magbibigay ng bagong oportunidad sa mga manggagawa at sa pribadong sektor at bubura sa kahirapan sa bansa.
Umaasa rin ang senador mula sa San Juan na mararatipikahan ang panukala sa Miyerkules, Setyembre 27, bago ang session break ng Senado.
Sa ilalim ng panukala, binigyang-diin ni Ejercito ang makabuluhang reporma na ipinakikilala sa PPP framework, na hinalaw mula sa positibo at negatibong karanasan mula nang isabatas ang Build-Operate-Transfer (BOT) law noong 1990s.
Layunin ng repormang ito na magbigay ng kumpiyansa sa potential project proponents at para matiyak na makakapili ang pamahalaan at mga implementing agency ng pinaka-kapaki-pakinabang na mga pagpipilian.
“We will make sure that the government and the implementing agencies will have a hand in producing the best option possible,” dagdag pa ni Ejercito.