HINDI magbabayad ng ransom ang gobyerno sa Medusa Ransomware Group matapos nitong i-hack ang system ng PhilHealth.
Ito ang binigyang-diin ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Jeffrey Dy.
Ani Dy, humingi ang mga hacker ng 300 thousand dollars o mahigit sa P17-M para sa kanilang ninakaw na datos mula sa PhilHealth.
Inihayag naman ni Dy na sasama ang Pilipinas sa anti-ransomware initiative ng iba pang mga bansa tulad ng Estados Unidos, Australia, Japan, at iba pa.
Sinabi naman ni PhilHealth spokesperson Dr. Israel Francis Pargas na wala pang data na na-compromised sa ahensiya.
Matatandaan na matapos matuklasan ang pangha-hack ng Medusa Ransomware Group sa PhilHealth System ay agad na isinara ang website ng ahensiya bilang bahagi ng kanilang implementing containment measures bilang pagtugon sa isang cyber-attack.
Umaasa naman si Paragas na nitong Lunes, ay maibalik na ang system ng PhilHealth.
