Makakaliwang grupo, wala nang kakayahan na manggulo sa darating na halalan ─PA spox

Makakaliwang grupo, wala nang kakayahan na manggulo sa darating na halalan ─PA spox

TUWING eleksyon isa sa mga binabantayan ng mga otoridad ay ang ginagawang pananakot ng mga makakaliwang grupo sa mga tumatakbong kandidato tuwing halalan.

Ang eleksyon din ang inaabangan na aktibidad ng mga teroristang grupo upang makapangalap ng pondo mula sa mga kandidato na gagamitin upang lumakas ang kanilang paghahasik ng kaguluhan.

Pero sa panayam ng SMNI News sa Philippine Army, wala na umanong kakayahan ang mga natitirang myembro ng New People’s Army (NPA) na ipagpatuloy ang kanilang maling ginagawa tuwing election.

Ayon kay Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng philippine army, base sa kanilang datos nag-iisa nalang ang guerilla fronts dito sa bansa at ito ay mahina na.

“Base dito sa status natin na nakikita, dahil isang remaining weakened guerilla front na lang ang natitira sa kanilang hanay. Wala na silang kakayahan to influenced itong upcoming national and local elections, as well as itong mga kandidato. However, hindi pa rin tayo nagpapababa ng ating security, ‘yung alertness,” ayon kay Col. Louie Dema-ala Spokesperson, PA.

Pero, sinabi rin nito na wala silang balak na ihinto ang kanilang ginagawang operasyon kahit pa tutulong sila sa pagbabantay sa seguridad ngayong halalan, tuloy pa rin aniya ang kanilang layunin na matapos na ang armadong pakikibaka ng mga rebeldeng NPA.

“However, tuloy-tuloy, while we are doing the security operations in relation to election, we are also conducting internal security operations. Wala tayong let-up. We have been reminding our troops na continuous pa rin ang kanilang internal security operations to ensure na itong mga remaining members ng New People’s Army ay talagang ma-neutralize natin the soonest,” saad nito.

Ngunit kahit mahina na ang rebeldeng grupo patuloy pa rin ang panawagan ng Army na isumbong sa mga otoridad ang sino mang gumagawa ng karahasan at pananakot sa darating na halalan.

“We are continuously reminding our troops and even ‘yong ating mga kababayan, ‘yong ang ating mga kandidato, na kapag merong manghihingi or mag-e-extort sa kanila, kailangan ipagbigay-alam agad sa atin para mabigyan natin ng aksyon,” wika ni Col. Louie Dema-ala.

Sa kabuuan, sinabi ni Dema-ala na nakahanda na sila para sa darating na midterm elections.

“Yes, we are 100% ready and continuously reminding our troops. And we stay on alert at wala tayong let-up sa ating internal security operations. At iyon nga, nananawagan din tayo sa mga remaining members ng New People’s Army na sumuko na. Magtulungan tayo para ayusin, magtulungan tayo para mapaganda, mapanatiling mapayapa ‘yong ating bayan, at ‘yong kani-kanilang lugar, at pati na rin ‘yong kabuhayan ng ating mga mamamayan,” sabi nito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter