Malakanyang, ayaw limitahan ang galaw ni PRRD sa kabila ng banta ng Omicron variant

Malakanyang, ayaw limitahan ang galaw ni PRRD sa kabila ng banta ng Omicron variant

INIHAYAG ng malakanyang na ayaw nitong limitahan ang galaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng banta ng Omicron variant.

Ito ay kung sakaling bisitahing muli ni Pangulong Duterte ang mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.

Sinabi ng malakanyang na mayroong mga pamamaraan upang masigurado ang kaligtasan ng punong ehekutibo sa gitna ng tumataas na COVID-19 cases sa bansa.

Tiniyak ng malakanyang ang proteksyon kay Pangulong Duterte laban sa sakit na COVID-19.

Sinigurado ng palace official na nasusunod ang mga protocol.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang talk to the people na dadalawin niya ulit ngayong Enero ang mga naapektuhan ng nagdaang bagyo.

‘’First and foremost, we need to protect the president, iyong kanyang safety, ang kanyang health ‘di ba. So nandoon naman iyong mga protocols and procedures na ginagawa. So as much as possible we have to ensure—while ensuring his safety and his health, we also do not want to limit his movement especially kung gusto niyang bumisita rin sa mga lugar kagaya ng sinabi niya kagabi, bumisita muli sa mga naapektuhan ng typhoon Odette at iyong iba pang mga activities na gusto ring gawin ng pangulo,’’ayon kay Nograles.

Sambit ni Nograles, ‘very active’ ang pangulo at nais nitong laging nasa ground at makasama ang mga tao para masilayan ang sitwasyon ng mga ito.

Kaya, lagi ring nakahanda ang mga kinakailangang protocol para maproteksyunan ang pangulo sabay na hindi limitahan ang galaw nito upang epektibo nitong magampanan ang kanyang tungkulin bilang Presidente ng Pilipinas.

Kaugnay nito, inihayag ng palasyo na sa ngayon tinitingnan at pinaplano na nila ang iskedyul ng mga aktibidad ni Pangulong Duterte lalo’t nabanggit nito ang pagbisita sa mga lugar na hinagupit ng bagyong Odette.

Kung matatandaan, Disyembre ng nakaraang taon, ay isa isang binisita ni Pangulong Duterte kasama si Sen. Christopher Bong Go at mga kalihim ng ahensya ng gobyerno ang mga probinsiya na naapektuhan ng pagtama ng bagyong Odette.

Personal na kinamusta ng Chief executive ang mga residente sa lugar at personal ding pinangunahan ang pamamahagi o pag-aabot ng tulong sa mga biktima ng kalamidad.

Sinabi ni Senator Bong Go na matagal na siyang aide na kahit noon pa man ay hands-on na aniya si Pangulong Duterte sa pagresponde sa oras ng mga sakuna.

SMNI NEWS