Malakanyang, umaasa ng masusing imbestigasyon sa C-130 plane crash sa Sulu

Malakanyang, umaasa ng masusing imbestigasyon sa C-130 plane crash sa Sulu

UMAASA ang Palasyo ng Malakanyang na magkaroon ng masusing imbestigasyon patungkol sa pagbagsak ng Philippine Air Force C-130 Aircraft sa Patikul, Sulu.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nakaantabay ang Malakanyang sa mga update ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nakikiisa naman ang Palasyo sa sambayanang Pilipino sa pag-aalay ng dasal para sa mga biktima ng pagbagsak ng C-130 plane.

Ikinalulungkot ani Roque, ang trahedyang sinapit ng mga sakay sa naturang aircraft.

Samantala, ipinangako ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mag-aabot ito ng tulong sa mga sugatan na military personnel at mga pamilya ng nasawi sa C-130 plane crash sa Jolo, Sulu.

Sinabi ni Pangulong Duterte na tinitiyak niya ang financial benefits para sa mga miyembro ng AFP.

Nangako rin ang Punong Ehekutibo na mabibigyan ng retirement benefits ang mga military personnel mula sa Government Service Insurance System (GSIS).

Maliban sa monetary assistance, tiniyak din ng Chief Executive ang edukasyon ng naiwang mga anak ng mga sundalo at prosthesis para sa mga tropa na naputulan ng kamay at paa.

“I assure you that I will add more benefits for your family. Importante naman. Very important really is that the family you leave behind will have the same privileges at ang importante ang eskwela, which we have set up a foundation for to see them through to college,” pahayag ng Pangulo.

Nitong Lunes ng gabi, bumisita si Pangulong Duterte sa Zamboanga City upang makiramay sa mga tropa na kasama sa C-130 plane crash.

Nagbigay din ang Pangulo ng pagkilala sa mga military personnel na sugatan at nasawi sa naturang insidente.

“The best that we can really do is that itong namatay that they shall not have died in vain. They died for our country and it behooves upon us to continue the help. That they were alive as they are now,” wika ng Pangulo.

Kaugnay ng malagim na ulat, lubos na ikinalungkot ni Pangulong Duterte ang naturang insidente at sinabing siya ang unang nasasaktan kapag mayroong ganitong pangyayari lalo na sa tropa ng pamahalaan.

BASAHIN: Kampanya laban sa terorista sa Sulu, tuloy sa kabila ng nangyaring military plane crash

SMNI NEWS