MAGSASAGAWA ng malawakang strike ang transport groups na itatapat nila sa deadline ng franchise consolidation.
Wala nang atrasan ayon sa Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
“Talagang wala na pong extension and 100% po ay hindi na ‘yan mai-extend because this is something that we have to end,” pahayag ni Andy Ortega, Road Transport and Infrastructure, DOTr.
Ito ang binigyang diin ni DOTr Undersecretary Andy Ortega sa napipintong deadline ng PUVMP.
Wala na aniyang atrasan lalo’t ito na ang ikawalong beses na pagpapalawig sa franchise consolidation para sa implementasyon ng programa.
Pero, simula nang pinalawig ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang konsolidasyon ay higit 2% lang dito ang humabol.
Kung kaya’t, umabot lang sa 78.36% ang nakapasok sa kooperatiba na para sa Department of Transportation (DOTr) ay sapat na bilang.
“The number are enough, more than enough para ma-implement ‘yung programa,” ayon kay Usec. Andy Ortega, Road Transport and Infrastructure, DOTr.
Pero, kung inaakala ng pamahalaan na tapos na ang gagawing tigil-pasada ng PISTON at Manibela ay nagkakamali ang mga ito.
Muling magsasagawa ng malawakang strike na itatapat nila sa deadline ng franchise consolidation.
“Pag-uusapan pa po namin ito kung papaano po ‘yung gagawin namin para sa April 30,” ani Mar Valbuena, Presidente, Manibela.
Ito ang kanilang huling hirit na layon pa ring ipahayag ang kanilang pagtutol sa programa dahil hindi ito makatutulong sa mga tsuper bagay namang hindi sinang-ayunan ng mga operator na nakapasok na sa PUVMP.
“Malaking tulong ito doon sa mga operator at driver namin. Actually, marami kaming nabibigyan ng trabaho. Hindi totoo na nawawalan sila ng karapatan kapag sila ay nagpa-consolidate pero mas nabibigyan pa sila ng pagkakataon para mapaunlad ‘yung kanilang sarili,” ayon naman kay Misael Melinas, Secretary General, TINDIG CALABARZON.
Mga tradisyunal dyip, maaari pa ring makabiyahe sa Mayo—LTFRB
Ayon naman kay Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III, nilinaw na maaari pa ring makabiyahe ang tradisyunal na jeep sa Mayo.
“Pero, kapag nag-consolidate ka naman, kahit luma kang jeepney ay bibigyan namin kayo ng opportunity na bumiyahe,” Asec. Teofilo Guadiz III, Chairperson, LTFRB.
“’Yung pagpapalit ng tradisyunal dyip ay wala pa pong deadline sa ngayon. The fleet modernization na pagpapalit nila ng units will come 27 months after the approval of the LPTRP,” ayon kay Atty. Mery Paras Leynes, Board Member, LTFRB.
Kung ipagpapatuloy pa rin umano ng PISTON at Manibela ang kanilang pinaplanong strike ay makakaasang uunahin sila ng ahensiya na hulihin at tiketan.