Maliliit na negosyo, apektado ng panibagong wage hike sa Metro Manila—ECOP

Maliliit na negosyo, apektado ng panibagong wage hike sa Metro Manila—ECOP

POSIBLE pang tumaas ang presyo ng bilihin maging ang mga serbisyong inaalok sa merkado matapos payagan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang panibagong umento sa sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

15 araw matapos na mailathala sa mga pahayagan, ang mga manggagawa sa National Capital Region ay makakatanggap na ng dagdag na trentay singko pesos na kanilang arawang sahod.

Ito nga’y matapos aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang hirit na umento sa sweldo.

Kaya naman mula sa kasalukuyang P610, ay magiging P645 na ang daily minimum wage ng mga manggagawa.

Pero ang ibang minimum wage earner na nakausap ng SMNI News, naliliitan pa rin sa 35 pesos na umento habang ang iba naman – no choice na kundi ang tanggapin at pagkasyahin ang kakarampot na dagdag-sahod sa gitna ng walang-humpay na taas-presyo sa mga bilihin at serbisyo sa merkado.

‘’Napakamahal po ang mga bilihin. Hindi siya sapat para sa akin,’’ ayon kay Kim.

‘’Sa ngayon po, pamasahe pa lang kulang na yon.. 35 pesos, wala pang mabibili doon,’’ saad naman ni Gabriel.

‘’Wala namang magagawa. Kung ano yong binigay, yon na lang pagkasyahin,’’ ani Roel.

‘’Kailangan nating pagkasyahin e.  Para sakin, malaking tulong na rin yong 35 pesos,’’ saad naman ni Erwin.

Ang Trade Union of Congress of the Philippines o TUCP, bagamat dismayado, ay hindi na raw nagulat pa na mula sa hirit nilang 100 pesos mahigit na dagdag na sahod ay 35 pesos lang ang inaprubahan.

‘’We would say that we were not surprised kasi early on, meron nang pahaging ang business sector that all they can give is 16 to 25 but still you know we are very much disappointed kasi we have been arguing for a 150 above increase infact we ties it with our legislative wage hike call. Matutuwa ba ang mga workers sa 35 pesos increase? What is the worth of 35 pesos?’’ ani Paul Gajes Legislative Officer, TUCP

Ang mga negosyante sa ilalim ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP, wala raw magagawa kundi sumunod sa panibagong wage hike kahit pa noong nakaraang taon ay nagtaas na sila ng pasahod sa kanilang mga empleyado.

Ayon kay Ecop President Sergio Ortiz, ang pinakaapektado sa panibagong wage hike ay ang mga micro at small businesses na maaaring magsara dahil sa panibagong umento.

‘’Ang constitution yan ng mga employers, 90 percent ay micro. Actually, hindi namin mga myembro yon pero mahihirapan yon. Yong marami doon sa small miyembro namin. Iyong mga yon, marami din doon ang medyo mahihirapan pa kasi nag-aadjudst pa dahil sa bagong increase noong huli,’’ ayon kay Sergio Ortiz President, Ecop.

‘’Katunayan yong mga micro noong pandemic, mahigit kalahati nagsara. Ang iba roon hindi pa nagbubukas, naghihintay pa. Yong mga bagong pasok yong mga yon, alam mo diyan sa micro, ganyan ang istorya diyan e, papasok, magbubukas ng kakaunti ng mga 2 o 3 taon.  Mayroon na namang papasok na iba, magdududot ng pagsasara yan,’’ dagdag nito.

Sabi pa nito, ang panibagong wage hike ay maaaring magbigay daan para mas tumaas pa lalo ang presyo ng mga bilihin at serbisyo na inaalok ng mga negosyante.

Kailangan kasi nilang bawiin dito ang mga gagastusin para sa panibagong wage hike.

‘’Kasi choice naman kasi ng mga kumpanya kapag nagkaroon ng mandated wage wala namang pakialam sa  benta o kinita mo, ang choice mo taasan mo yong presyo, ipatong mo kung kaya. Magtaas pa o kung hindi naman, magbawas ka ng tao. Kung wala ka na talagang magawa talaga, magsara ka,’’ ani Sergio Ortiz.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble