HINDI sinagot ni PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil ang tanong ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kung sino ang nag-utos o utak ng pagpapaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 11 Marso 2025.
Kaugnay ito sa ikinasang Senate inquiry ni Senator Imee Marcos sa diumano’y ginawang pagkidnap kay Duterte patungong The Hague, Netherlands, imbes na litisin muna ang kaso nito sa korte ng Pilipinas.
Una nang inamin ni Police Major General Nicolas Torre na sumunod lamang siya sa utos ni Marbil para arestuhin ang dating pangulo.
At nang si Marbil naman ang tanungin, agad nitong ginamit ang kaniyang “executive privilege” upang huwag sagutin ang katanungan kung sino ang nag-utos sa kaniya na ipatupad ang agarang pagpapaalis kay Duterte.
Kapansin-pansin ang pananahimik ni Marbil na agad namang sinalo ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, na sinabing siya ang may clearance sa operasyon laban kay Duterte.
Sinunod lamang aniya ito ng DILG Sec. Jonvic Remulla, na iniutos naman kay PNP Chief Marbil at ipinatupad ng CIDG director Nicolas Torre.
Gayunpaman, hindi inamin ni Remulla kung saan at kanino galing ang kautusan na kaniyang ipinatupad para dakpin, pilit na pasakayin sa eroplano, at palabasin ng Pilipinas.
Sa huli, kitang-kita sa pagdinig ang tila pagtatanggol ni Remulla sa mga kasamahan niyang naiipit sa sitwasyon kaugnay sa paggamit ng “executive privilege.”
Aniya, dahil sa nasabing pribilehiyo para sa mga nasa ehekutibo, hindi na aniya kailangang isapubliko pa ang mga plano at preparasyong ginawa ng gobyerno sa pag-aresto kay Duterte.
Follow SMNI News on Rumble