ALINSUNOD sa bisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtayo ng mas maraming dam, inihayag ng National Irrigation Administration (NIA) na inaasahan nitong makumpleto ang 20 medium-term na proyekto at tatlo hanggang limang long-term projects sa loob ng termino ng administrasyong Marcos Jr.
Sa press briefing sa Malacañang nitong Martes, sinabi ni NIA Administrator Eduardo Guillen na may ilang dam na target na itayo ng NIA tulad ng Tumauini Dam sa Isabela, gayundin ang mga dam project sa Ilocos Norte at Ilocos Sur.
Sa Visayas, ang NIA ay nagtatayo ng Jalaur Dam at iba pang mga proyekto sa Panay River Basin, bilang karagdagan sa mas maliit o katamtamang laki ng mga dam.
“And then marami po sa Mindanao actually lalo rito sa may Along Pulangi River – iyong Antung Dam; iyong Lower Malitubog – patapos na nga kami doon sa MALMAR II namin ano po, malaki rin po iyon nasa 12,000 hectares din po iyon. And then itutuloy namin ang MALMAR – iyong Lower Malitubog na tinatawag. Marami po kaming mga proposed projects,” pahayag ni Eduardo Guillen, Administrator, NIA.
Tungkol sa pagtatayo ng matataas na dam o yaong may taas na 100 metro, sinabi ni Guillen na ang mga istrukturang iyon ay maraming gamit tulad ng pagkontrol sa baha, patubig at paglikha ng kuryente.
Ang mga ito ay bukod pa sa magagamit ito para sa aquaculture, bulk water, floating solar, gayundin para sa turismo.
Ang inisyatiba ay alinsunod din sa mga pagsisikap ng NIA na tulungan ang mga magsasaka na mabawasan ang mga epekto ng El Niño.
Pamahalaan, patuloy na nagpapatupad ng El Niño mitigation measures—DOST
Kaugnay rito, tinutukan ni Marcos Jr. at ng mga kaugnay na ahensiya ang pagtugon sa El Niño at paghahanda sa La Niña.
Inilahad naman ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. sa kaparehong briefing sa Palasyo na patuloy na nagpapatupad ng El Niño mitigation measures ang pamahalaan habang naghahanda ito sa mga epekto ng La Niña phenomenon, na inaasahan sa Hunyo ng taong ito.
Sinabi ng kalihim na ang El Niño sa tropical Pacific ay patuloy na humihina, ngunit ang mga epekto ay magpapatuloy habang ito ay magiging neutral mula Abril hanggang Hunyo ngayong taon.
Ito’y habang ang posibilidad ng La Niña ay nasa 62 porsiyento pagsapit ng Hunyo hanggang Agosto ng taong ito.
“So, there will still be some provinces to be affected by the combined effect of El Niño and the preparation for La Niña which would bring in less normal rainfall. Hence, we need to continue doing the operations for El Niño preparedness but also keeping in mind that we need to prepare for La Niña in the second half of the year,” ayon kay Sec. Renato Solidum, Jr., DOST.
Sa sectoral meeting sa Malacañang nitong Martes, iniutos ni PBBM ang pag-activate sa El Niño Southern Oscillation Online Platform para gabayan ang mga hakbang ng publiko at mga kawani.
Mababatid na nitong Martes ang unang araw ng pagbabalik sa pampublikong tungkulin ni PBBM matapos makaranas ng flu-like symptoms ng halos isang linggo.