Mas pinabuting healthcare access, isusulong sa Senado

Mas pinabuting healthcare access, isusulong sa Senado

PATULOY na isinusulong ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pinabuting healthcare access para sa lahat ng Pilipino sa pagsisimula sa Senado ng talakayan sa pag-amyenda sa mga probisyon ng Universal Health Care (UHC) Act.

Ang UHC Act, o ang Republic Act No. 11223, ay nilagdaan noong Pebrero 2019 at naglalayon na magbigay ng pantay na kalidad at abot-kayang healthcare para sa lahat ng Pilipino.

Nagkaroon lang ng pagkaantala sa kabuuang implementasyon nito dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa pagsusuri muli ng Senado, layunin ni Cayetano na pagbutihin ang UHC Act gamit ang kaniyang karanasan bilang author at co-author ng iba’t ibang panukalang batas na layuning palakasin ang healthcare system ng bansa.

Kabilang sa kaniyang mga panukalang batas ang pagtatatag ng isang health passport system, na layuning mapabilis ang access sa healthcare services para sa mga indibidwal sa iba’t ibang healthcare facilities.

Layunin ng inisyatibong ito na tugunan ang logistical challenges at tiyakin ang patuloy na pangangalaga, lalo na para sa mga pasyenteng nangangailangan ng espesyalisadong paggamot o konsultasyon.

“In the event of emergencies, this will also be a handy tool that can be essential in saving lives,” saad ni Sen. Alan Peter Cayetano.

Upang magkaroon ng sapat na primary healthcare services sa mga komunidad, itinataguyod din ng senador ang pagtatatag ng barangay health centers sa pamamagitan ng Health Center in All Barangays Act (Senate Bill No. 303) at ng Super Health Centers in All Cities and Municipalities Act (SB No. 304).

Bukod dito, isinusulong din ni Cayetano ang regular employment status at mas maayos na kita para sa mga Barangay Health Workers (BHWs) na nagsilbing katuwang ng pamahalaan noong kasagsagan ng pandemya sa pamamagitan ng Mahal Ko, ang Barangay Health Worker Ko Law (SB No. 68).

Sa kaniyang aktibong pagpapabuti sa UHC legislation, patuloy ring nagbibigay si Cayetano ng direktang tulong sa mga pasyente sa buong bansa sa pamamagitan ng kaniyang Medical Caravan program na nagbibigay ng guarantee letters sa mga nangangailangan para sa kanilang mga medikal na pangangailangan at mga bayarin.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble