NAGSAMPA ng kaso sa Ombudsman laban kay Quezon City Mayor Joy Belmonte ang dalawang dating miyembro ng Quezon City Against Corruption (QCAC).
Miyerkules nitong nakaraang linggo nang magsampa ng kaso sa Ombudsman sina Maria Lisle Guevarra at Eleanor Torralba.
Malversation at graft ang kanilang reklamo laban kay Belmonte.
Para sa complainants, hindi umano tama ang pagbabayad sa kanila ng city government matapos silang magtrabaho ng ilang buwan sa QCAC.
Batay sa kanila, affiliated ng City Legal Office ang QCAC.
At bilang patunay, naka-attached sa kanilang reklamo ang certificate of performance na magpapatunay na sila ay sumasahod mula sa city government.
“Ako po pahirapan, kasi kailangan ko pong magpunta doon sa Office of the Mayor para makipag-haggle doon sa salary ko kasi I’m expecting for 6 months eh. Ang nabigay lang kasi nila sa akin 3 months,” ayon kay Guevarra.
“Actually, naniwala ako sa kanya kasi nga ang sinasabi niya meron kaming department sa city hall which is under kami ng legal department ng Quezon City Hall. Tapos po pinangakuhan niya kami na susuweldo sa mga gagawin namin so trabaho talaga yung pinasok namin,” pahayag naman ni Torralba.
Natitiyak naman ng mga complainant na tumatanggap ng pondo ang QCAC mula sa city government kaya bakit daw ganoon ang nangyari sa kanila.
Samantala, inamin naman ng mga complainant na walang kaugnayan sa anti-corruption activities ang kanilang naging trabaho sa QCAC.
Sa halip, ginawa umano silang troll ni Mayor Belmonte.
“Pinagbenta po kami ng ticket, yung ticket for Britney for a Cause tapos ginawa kaming Keyboard Warrior,” ani Guevarra.
‘Ang dami niyang basher talaga nun. So kada post niya sa social media, kami naman yung taga sagot.’
Kabilang din sa respondents sa kaso si City Atty. Paolo Casimiro at ang chairman ng QCAC na si John Paul Orate.
“Actually kay Mayor, dapat ano po eh makinig po kayo sa maliit na tao. Kasi hindi ko siya binay-pass, binigyan ko siya ng awareness regarding doon sa tao niya na si Janno Orate. Ganon din po kay Atty. Casimiro. Awareness po. Need po namin ng pagkilos, ng pandinig niyo sa amin pero binalewala niyo po kami kaya eto po kami ngayon,” ani Torralba.
Sa ngayon ay wala pang komento ang kampo ni Belmonte ngunit nauna na raw na pinagsabihan ang mga complainant na itinatanggi ng city government na may kaugnayan sa kanila ang QCAC.
Lumapit na raw sila noon sa Mayora para idulog ang kanilang sitwasyon ngunit wala raw nangyari.
Mananatiling bukas ang SMNI News sa panig dito ni Mayor Belmonte at ang kanilang paliwanag sa isyu.
BASAHIN: Mike Defensor, nilinaw na hindi sangkot sa latest anti-corruption case vs QC Mayor Joy Belmonte