Mga employer dapat nang salubungin ang pagdating ng kanilang mga dayuhang manggagawa –Immigration Department

Mga employer dapat nang salubungin ang pagdating ng kanilang mga dayuhang manggagawa –Immigration Department

INANUNSYO ng Malaysian Immigration Department na kinakailangang salubungin ng mga employer ang mga dayuhang manggagawa sa Kuala Lumpur International Airport (KLIA).

Ayon sa post ng Malaysian Immigration sa kanyang Facebook page, sinabi ni Immigration Department Director General Datuk Seri Khairul Dzaimee Daud na kinakailangang salubungin ng bawat employer ang mga dayuhang manggagawa dahil aniya, ang mga ito ang may pananagutan sa pamamahala ng mga dokumento ng kanilang manggagawa.

Aniya, kinakailangan ding kumpirmahin ng mga employer ang mga dayuhang manggagawa.

Bukod pa rito, ang panuntunan ng imigrasyon ay nagbibigay sa mga employer ng anim na oras upang pumunta sa KLIA para kunin ang kanilang mga dayuhang empleyado.

Ang mga dayuhang manggagawa ay hindi palalabasin hanggang ang actual employer ay dumating sa KLIA upang kunin ang mga ito.

Layunin ng Immigration Department na tiyakin ang lahat ng mga dayuhang manggagawa ay may wastong employer.

Kung ang employer ay mabigong sumunod sa panuntunang ito, ang dayuhang manggagawa ay hindi pahihintulutang makapasok sa bansa o makakatanggap ng “not to land” notice at pababalikin sa kanyang bansang pinagmulan.

Samantala, mula nang muling buksan ang mga hangganan sa bansa, nakapagtala ang departamento ng aabot sa 100 libong dayuhang manggagawa mula Abril 1 hanggang Setyembre 26 ng kasalukuyang taon.

Follow SMNI NEWS in Twitter