SA ilalim ng pagpapatrol, tumambad sa mga tauhan ng 49th Infantry Battalion ang Ilang mga anti-personnel mine, sari-saring mga bala at electrical wires sa Brgy. San Antonio, Oas, Albay nitong nakaraang araw ng Sabado, Pebrero 25.
Nakuha mula sa nasabing barangay ang 8 anti-personnel mines, 1,747 piraso ng mga bala at 180 metro ng electrical wires.
Ang nasabing mga maka-teroristang kagamitan ay pinaniniwalaang ibinaon ng mga miyembro ng communist terrorist group (CTG) na nakasagupa ng kanilang tropa noong Pebrero 15 sa Brgy. Ramay ng nasabing bayan kung saan nasawi ang batang opisyal na si 2Lt. Nico Malcampo at pagkasugat ng 4 na iba pa.
Muling ipinaalala ng mga awtoridad na ang paggamit, pag-iimbak at produksyon ng anti-personnel mines ay isang “war crime” at ipinagbabawal sa Mine Ban Treaty at Geneva Convention ng 1949.
Kaugnay nito, pinatitiyak ni Major General Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division at Joint Task Force Bicolandia (JTFB) ang seguridad sa lugar dahil din sa posible pang mga pinagtataguan ng mga maka-teroristang kagamitan ng CTG at upang maprotektahan din ang mga residente laban sa presensya ng nasabing teroristang grupo.