NA-neutralize ng tropa ng 2nd Infantry Battalion sa ilalim ng 9th Infantry Division ang 9 na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Guiom, Cawayan, Masbate.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Colonel Jorry Baclor, nagsasagawa ng security patrol operations ang mga sundalo nang paputukan sila ng tinatayang 20 NPA.
Tumagal ng 20 minuto ang engkwentro na nagresulta sa pagkasawi ng 5 NPA, pagkahuli ng 4 na miyembro kabilang ang isang sugatan.
Nasamsam sa lugar ang 6 na matataas na armas.
Sinabi naman ni 9th Infantry Division Commander Major General Adonis Bajao na sa tagumpay ng militar ay malapit nang mawakasan ang banta ng NPA sa lalawigan.
Muli rin nanawagan si Bajao sa nalalabing miyembro ng NPA na sumuko upang makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay at mamuhay nang matiwasay.
