MAS pinaigting pa ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang kanilang pagbabantay sa mga pasaway na mga motorista na dumadaan sa EDSA carousel lane.
Patunay rito ang isinagawang operasyon sa EDSA bus lane sa Malibay sa lungsod ng Pasay pasado alas siete ng umaga, Oktubre 6.
Mala-blockbuster sa haba ng pila ng mga sasakyan ang tumambad sa mga tauhan ng I-ACT at Philippine Coast Guard (PCG) at Highway Patrol Group (HPG).
Sapul sa operasyon si Mark na natiketan at nakuhanan pa ng lisensiya matapos mahuling dumadaan sa EDSA bus lane.
Itinuturong dahilan nito ay dahil sa matinding trapiko kung kaya’t napadaan na sa EDSA bus lane.
“Actually, alanganin kasi ako kanina kaya medyo ‘yung pag traffic kanina ay dito na ako nakalusot,” ayon kay Mark, motoristang natiketan.
Aminado naman ang motoristang si Palomar na naging kampante siyang hindi mahuhuli ng I-ACT dahil sa pagdaan sa EDSA busway.
“Ngayon ko lang nalaman na bawal kasi, lagi naman ako dumadaan dito. Dati kasi wala ritong bantay kaya puwede pa,” ayon naman kay Palomae, motoristang natiketan.
Isang pasahero ng habal-habal, nakipag-sagutan sa ilang tauhan ng I-AC
Nakipag-sagutan naman sa ilang tauhan ng I-ACT ang pasahero ng isang habal-habal na ilegal na dumaan din sa busway.
Samu’t sari ang dahilan nito nang mahuli sa operasyon, pero hindi nito nakumbinsi ang I-ACT kahit iba’t ibang pangalan na ng mga opisyal ng DOTr at LTO ang ginamit niya.
Paulit-ulit din na ipinapaintindi ng ahensiya na awtorisado silang kunin ang lisensiya at tiketan ang habal-habal drayber dahil deputized ang mga ito ng LTO.
Sa huli ay napasunod na rin ito ng I-ACT at pinapupunta sa tanggapan ng LTO para tubusin ang lisensiya.
“Nag-emergency kami kasi may ihahabol kami sa Crame sa CIDG papers.”
“Payag kaming matiketan pero dapat ‘yung license dapat ay ibigay, kasi pati license kinuha bahala na lang kasi tumawag sa boss at sa DOTr naman,” ayon naman kay Pamawag, pasahero.
Aabot sa halos 100 motorista ang natiketan ng ahensiya dahil sa hindi ito awtorisadong dumaan sa alinmang EDSA carousel lane.
Ang mga violator ay pinagbabayad ng P1,000 at inoobligang dumalo ng seminar at kumuha ng exam bago matubos ang kanilang lisensiya.
Ayon sa law enforcer ng I-ACT, may katumbas na puntos ang mga traffic rules na nalalabag ng mga motorista batay sa Land Transportation Office (LTO) Demerit System sa ilalim ng RA 10930.
Halimbawa rito ang isang motorista ay umabot na sa 40 demerit points ang nakuha ay mare-revoke ang kaniyang lisensiya at hindi makakapagmaneho sa loob ng dalawang taon.
Paalala ng I-ACT, awtorisado lamang dumaan sa EDSA busway carousel lane ang mga emergency vehicles tulad ng ambulansiya, fire truck at iba pa.
Kasama rin ang pulis, AFP, law enforcement agency tulad ng MMDA, LTO, IACT, LTFRB, at mga bus accredited ng EDSA carousel.